Calendar
Alabang-Calamba route ng PNR sususpendihin
SUSUSPENDIHIN ng Philippine National Railways (PNR) ang biyahe ng tren nito sa Alabang-Calamba route simula sa Hulyo 2 upang magbigay daan sa ginagawang North-South Commuter Railway (NSCR).
Ayon sa PNR ang apektadong biyahe ay ang 4:38 ng umaga at alas-7:56 ng gabi. Nasa 467 pasahero umano ang bumibiyahe sa naturang ruta araw-araw.
Paliwanag ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Railways Cesar B. Chavez isang elevated, double-track at electrified train system ang ilalagay sa kasalukuyang riles ng PNR.
Ang NSCR system ang papalit sa kasalukuyang street level, single track at diesel locomotive set-up.
Ang NSCR ay mayroong habang 147 kilometro at tatakbo mula Clark Airport sa Pampanga hanggang Calamba, Laguna. Aabot sa 800,000 pasahero ang makakasakay dito kada araw.