Guo

Alice Guo ipina-contempt dahil sa mga sagot sa pagdining ng House quad comm

91 Views

DISMAYADO sa mga nakuhang sagot, ipina-contempt ng isang solon si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagdinig ng quad committee ng Kamara de Representantes.

Pag-uusapan ng komite kung saan ikukulong si Guo na kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Custodial Center dahil sa utos ng korte kaugnay ng kasong graft na kinakaharap nito bukod pa sa ibang kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.

Inaprubahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chair ng Quad Committee, ang mosyon ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano na i-cite in contempt si Guo dahil sa paglabag sa Section 11, Paragraph C ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.

“There is a motion to cite Alice Guo, a.k.a. Guo Hua Ping, in contempt. Are there any objections? Hearing none, the motion is approved,” sabi ni Barbers.

Sumunod dito, hiniling ni Paduano na ikulong si Guo hanggang sa matapos ang report ng komite kaugnay ng pagdinig at maaprubahan ito sa plenaryo ng Kamara.

Inaprubahan din ni Barbers ang mosyon.

Sa pagdinig, tinanong ni Paduano si Guo kung bakit hindi ito nagpiyansa gayong nagkakahalaga lamang ito ng P180,000.

Sinabi ni Paduano na sinadya ni Guo na huwag magpiyansa dahil mas gusto nitong makulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City.

“Hindi ka nag-bail kasi mas gusto mong naka-detain doon sa PNP custodial facility kaya hindi ka nag-bail. Ayan ang totoong kwento doon. Huwag na tayo maglokohan dito,” sabi ni Paduano.

“Again, you’re lying. You’re fooling this country, you’re fooling the Filipino people,” dagdag pa ni Paduano.

Ipinatawag si Guo kaugnay ng koneksyon nito sa operasyon ng iligal na POGO.