Calendar

ALTODAP pinuri PBBM sa pagtaguyod ng patas na insurance claims
NAGPAHAYAG ng pasasalamat si Boy Vargas, pangulo ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa direktiba nitong repasuhin ng Department of Transportation (DOTr) ang panukalang taasan ang insurance claims para sa mga pribadong sasakyan.
Ayon kay Vargas, ikinatuwa ng mga advocate ng makatarungang insurance system ang aksyon ng Pangulo dahil ito ang unang pagkakataon na may nakaupong Pangulo na tumugon sa kanilang matagal nang hinaing.
“Nagagalak po kami dahil for the first time ay may isang Pangulo ng ating bansa na pinakinggan ang matagal na naming ipinaglalaban. Maraming salamat po sa ating Pangulong BBM sa inyong tunay na malasakit sa ating mga kababayan, lalo na yung mga maliliit na tao na tulad namin,” ani Vargas.
“Kung tutuusin po ay wala po kaming pakialam dito dahil kami namin ay nasa sektor ng public transport. Hindi lang po matanggap ng aming konsensya na habang malaki ang claim ng mga pasahero sa bus at ibang pampublikong sasakyan ay parang kinawawa naman yung mga nasa private vehicles. Maliwanag na hindi maktarungan ito,” dagdag pa niya.
Isa sa mga naging inspirasyon ng grupo upang muling itaguyod ang patas na insurance benefits ay ang aksidente sa Katipunan Flyover sa Quezon City noong Disyembre ng nakaraang taon.
Apat ang nasawi at 25 ang nasugatan sa insidente. Ayon kay Vargas, sa kabila ng dami ng mga biktima, P200,000 lamang ang kabuuang insurance na ibinayad at ito pa ay hinati-hati sa 29 na katao alinsunod sa polisiya ng insurance.
Ganito rin umano ang nangyari sa insidente kamakailan sa SCTEX kung saan 10 ang nasawi at P200,000 lamang ang kabuuang insurance para sa lahat ng namatay, habang tig-P100,000 naman para sa mga nasugatang pasahero ng bus.
Bilang alternatibo, iminungkahi ni Vargas na pag-aralan ng DOTr ang umiiral na insurance program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga pampasaherong sasakyan.
Tinukoy niya ang Passenger Personal Accident Insurance (PPAI) Program na pinangangasiwaan ng LTFRB at ng Insurance Commission, kung saan umaabot sa P400,000 ang maximum na bayad sa kada nasawi at P100,000 naman sa bawat nasugatan.
“Ito po yung sinasabi namin na dapat ay patas. Ang DOTr po ang bahala kung anong klaseng diskarte ang gagawin nila kasama ang Insurance Commission pero kung meron namang sistema na at maayos na gumagana, bakit maghahanap pa ng iba aeh tatagal ng tatagal na naman yan sa kakaaral eh,” ani Vargas.
“May Presidente tayo ngayon na gusto ng mabilis na pagbabago na nararamdaman agad namin sa baba. Sana samantalahin na natin ito na baguhin na ang sistema para sa kapakanan ng nakakarami sa lalong madaling panahon,” dagdag pa niya.