Calendar
![Sen. Manny Pacquiao](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Sen.-Manny-Pacquiao.gif)
ALYANSA PARA SA BAGONG PILIPINAS (APBP)
Susunod na “Pambansang Kamao”, tututukan ni APBP Senatorial candidate Manny Pacquiao
ILOILO CITY – TUTUTUKAN ng binansagang “Pambansang Kamao” na si Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate at dating world boxing champion Manny “Pacman” Pacquiao ang pag-develop ng bagong henerasyon ng mga atleta lalo na sa boxing bilang susunod na kampeon sa darating na hinaharap.
Ito ang ipinahayag ng dating Senador sa isang panayam pagkatapos ang pagdaraos ng press conference sa Hotel Del Rio ng labing-dalawang kandidato ng administrasyon sa ilalim ng APBP Senatorial ticket matapos nilang dayuhin ang lugar ng mga Ilonggo upang suyuin ang kanilang suporta para sa darating na halalan.
Aminado si Pacquiao na matapos ang kaniyang pagre-retiro sa larangan ng boxing ay wala ng sumunod sa kaniyang yapak bilang kampeon. Kaya para sa kaniya, napakahalaga na muling mag-develop ng panibagong “breed” o henerasyon ng mga boxers na tututukan nito sakaling muli siyang makabalik sa Senado.
Ang isa sa mga nais bigyang pansin at tutukan ni Pacquiao sa oras na muling siyang mabigyan ng pagkakataon na manungkulan bilang Senador ay ang paglalaan ng malaking pondo para sa mga Pilipinong atleta na sumasabak sa mga international competitions sapagkat napakalaki aniyang karangalan ang ibinibigay nila para sa Pilipinas.
“Dapat talaga magsimula tayo to develop a good and quality athletes. From grassroots talaga, I-develop yung grassroots ng mga bagong breed at henerasyon ng mga atleta. Sinusuportahan ko ang welfare ng mga Pilipinong atleta na nagbibigay ng karangalan sa ating bansa,” sabi ni Pacquiao sa isang panayam.
Bukod dito, nabatid pa sa kaniya na isusulong din nito ang pagsasa-ayos ng Philippine sports sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga programang pang-nasyunal kung saan kabilang dito ang puspusang pagsasanay ng mga bagong breed ng mga atleta.
Kasabay nito, bilang isang dating “sportman”. Sinusuportahan ni Pacquiao ang pagtatatag ng Department of Sports na ipinapanukala naman ng isa pang kilalang “sports enthusiasts” na si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na naglalayong mas mapaganda ang Philippine sports lalo na ang mga Pilipinong atleta.
“Sinusuportahan ko iyan (Department of Sports) kasi kinakailangan talaga tayong magkaroon ng ganiyang ahensiya para mai-manage ng husto ang ating Philippine sports kasi ngayon eh’ kaniya-kaniya. Lalo na nagkakaroon pa ng awayan, hindi magkasundo-sundo kaya ang naaapektuhan ay ang ating mga atleta,” ayon pa kay Pacquiao.