Amasona

Amasona nagbalik-loob sa gobyerno, sumuko sa Ecija

Steve A. Gosuico Apr 2, 2025
19 Views

ZARAGOSA, Nueva Ecija — Habang nagpapatuloy ang kampanya ng Nueva Ecija police provincial office laban sa lokal na terorismo, isang umano’y babaeng rebeldeng New People’s Army ang kusang nagbalik-loob sa pamahalaan nitong Martes.

Kinilala ni Nueva Ecija top cop Col. Ferdinand D. Germino ang sumuko na si alyas Ka Iam, 42, ng Bgy. San Jose, Licab, Nueva Ecija.

Ang kanyang kusang loob na pagsuko ay naisagawa matapos ang isang special intelligence operation na ipinatupad ng mga pinagsamang elemento ng 1st provincial mobile force company (PMFC) at iba pang piling yunit ng pulisya mula sa una, ikatlo at ikaapat na distrito ng lalawigan.

Ayon kay 1st PMFC commander Lt. Col. Ronald P. Cayago, si “Ka Iam” ay dating miyembro ng Damayan ng Mahihirap sa Kanayunan Laban sa Kahirapan (DAMAKKA) sa ilalim ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon Nueva Ecija Chapter (AMGL-NE).

Dati rin siyang kaanib sa Sentro De Grabidad (SDG), ang regional headquarters o command center ng mga rebelde.

Ayon sa dating rebelde, siya ay na-recruit ng isang Maritess Ovina, isang sekretarya ng DAMAKKA noong 2018 pa.

Sa kanyang pagsuko, ini-turn-over ni “Ka Iam” ang isang cal.38 revolver na may kargang tatlong live ammunition sa pulisya sa 1st PMFC platoon base sa Bgy. Carmen dakong 2:50 p.m. dito.

Bilang bahagi ng reintegration program ng gobyerno, nakatanggap ang surrenderee ng food packs at paunang tulong pinansyal at sumailalim sa debriefing bago pinalaya.

Sinabi ni Germino: “Saludo kami sa katapangan ni Ka Iam kasama ang iba pang mga dating rebelde na piniling bumalik sa kamay ng batas, at napagtatanto na ang terorismo ay walang hahantong saanman kundi ang pagkawasak at pagdurusa.”