Calendar

AML Adiong sinagot pahayag ni Sasot laban sa Kamara: ‘May honor pa ba siya?’
BUMUWELTA si House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa pahayag ng social media personality na si Sass Rogando Sasot, na tinawag na ‘very corrupt’ ang Kamara de Representantes matapos siyang ma-contempt dahil sa paulit-ulit na hindi pagsipot sa imbesigasyon kaugnay ng fake news.
Isa si Sasot sa mga na-contempt sa nakaraang pagdinig ng House Tri-Comm dahil sa pagbalewala sa imbitasyon nito.
Kinuwestyon ni Adiong ang kredibilidad at prinsipyo ni Sasot.
“Una sa lahat, may honor pa ba siya?” ani Adiong. “I mean these are people who portray themselves as heroes but do not have the honor to face a legitimate investigation and to face the public and explain themselves under oath kung bakit may mga sinasabi silang hindi tama at hindi totoo.”
Ayon kay Adiong ang mga tao na pinahahalagahan ang kanilang dangal ay dumadalo sa pagdinig, nagpapaliwanag, at nakikibahagi sa pampublikong deliberasyon sa halip na gumawa ng pag-atake online.
“So I think being honorable is to not only being brave online but brave enough to face the charges and under oath express your sentiments,” saad ni Adiong.
Pina-contempt ng House Tri-Comm si Sasot, kasama ang iba pang pro-Duterte personalities na sina Mark Lopez, Jeffrey “Ka Eric” Celiz, at Lorraine Badoy. Ipinag-utos ang pag-aresto at pagkulong sa kanila.
Punto pa ni Adiong ang iba naman ng inimbitahang blogger ay dumalo at nakilahok sa pagdinig ng Tri-Comm.
“And by the way, I thank those vloggers who have participated in our committee hearings. I take these people as courageous enough to explain themselves and take the chance and to take the opportunity granted to them,” sabi niya.
“Kasi binibigyan naman sila ng invitation and due process para explain sa deliberation sa committee kung anong pwede nilang maibigay at input na may dagdag sa pag-formulate at pag-draft natin ng isang batas,” dagdag niya.
Ang mga taong pumili umano na dumalo sa pagdinig ay nagpakita ng sinseridad at kahandaan na makibahagi sa demokratikong proseso.
“So I thank them, for continuously engaging the committee and for explaining their side. Kasi ‘yun naman talaga dapat satin dito na dapat ay kung mayroong, sila kasi ‘yung parte doon sa sektor na iyon at sila yung very much active doon sa platform na iyon,” wika ni Adiong.
“So their inputs would be very much valued and very much appreciated,” saad niya kasabay ng pagtukoy na ito ang mga boses at saloobin na nais mapakinggan ng Tri-Comm para makagawa ng batas laban sa pagkalat ng fake news online.