Calendar
Ammonia nag-leak sa pasilidad sa Caloocan, 4 isinugod sa pagamutan
NABAHALA ang mga residente sa masangsang na amoy na nagmula sa isang food processing facility, Martes ng umaga sa Caloocan City.
Apat na indibidwal ang kinailangang isugod sa pagamutan matapos makaranas ng hirap sa paghinga at pagkahilo, sanhi ng pagkakalanghap ng masangsang na amoy na hinihinalang tumagas na ammonia sa naturang food processing sa Tanigue Street, Barangay Dagat-Dagatan, dakong alas-10 ng umaga.
Nagpasiya namang lumabas muna ng pasilidad ang mga kawani ng food processing, pati na rin ang mga residenteng naninirahan sa paligid na lugar, dahil hindi nila matiis ang malakas na amoy ng naturang kemikal.
Kabilang naman sa mga nakalanghap ng ammonia ang mismong mga tauhan ng Caloocan Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) at ilang mga driver ng mga container van na may tanggapan sa likod lamang ng pasilidad na pinanggagalingan ng sumingaw na ammonia.
Ilang mga residente rin sa lugar ang nakaranas ng pangangati ng mga mata, kahirapan sa paghinga, at tila nasusuka kaya’t ipinasiya rin nilang lumayong pansamantala sa lugar.
Kaagad namang inatasan ni Mayor Along Malapitan si Dr. James Lao, hepe ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), na mag-deploy ng mga ambulansiya at mga medical health practitioners sa lugar upang umasiste sa mga residente.
Naampat naman kaagad ang pagtagas ng ammonia nang isara muna ng pasilidad ang barbula upang hindi na tumagas ang masangsang na amoy ng kemikal.

