Louis Biraogo

Ang saltik ni Robredo na delikado sa mga Pilipino

468 Views

RobredoNOONG Pebrero 2, 2022, inihayag ni Robredo sa isang panayam sa DZRH kung saan inihalintulad niya ang katayuan ng Pilipinas sa bansang Ukraine, na mayroong malaking hidwaan laban sa bansang Russia patungkol sa mga teritoryong kapwa nila inaangkin. Ayon kay Robredo, ang gayong hidwaan ay katulad din sa hidwaan naman ng Pilipinas laban sa bansang China tungkol sa teritoryo sa dakong West Philippine Sea na kapwa nito inaangkin.

Ayon kay Robredo, ang bansang Ukraine ay hindi kalakihan kumpara sa bansang Russia, ngunit ang Ukraine ay matatag at matapang na hinaharap ang Russia hinggil nga sa namumuong mapanganib na problema ng dalawa. Diniin ni Robredo na nagkaroon ng karagdagang lakas ang Ukraine dahil sa pakikipagtulungan nito sa ibang bansa, na nagsibigayan ng kani-kanilang mga malalakas na suportang moral. Hindi maitatanggi na ang suportang moral para sa Ukraine galing sa iba’t-ibang bansa ay nagdulot ng malakas na panghimok sa bansang Russia na bitawan ang solusyong militar at yakapin ang isang mapayang kasunduan bilang tugon sa gayong hidwaan. At dahil nga sa malakas na suportang moral ng iba’t-ibang bansa para sa Ukraine, parang nakakatiyak si Robredo na sapat ito na mapigilan ang Russia na gumamit ng dahas o solusyong militar.

Buong yabang na minungkahi ni Robredo na ang ganitong pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa iba’t-ibang miyembro ng pamayanang internasyonal ay ang susi sa problema ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Mabilis na ipinahabol ni Robredo ang kanyang ideya na kahit maliit ang isang bansa ay maaring tumayo ng buong-tapang sa pagmamalabis at pang-aapi ng isang malakas at mayamang bansa tulad ng China. Parang sinasabi niyang tularan natin ang bansang Ukraine.

Noong lumusob na nga ang Russia sa Ukraine, mabilis na ipinagtanggol at binawi ng mga kaalyado nito ang nagawang pagkakamali ni Robredo. Sila’y nangatuwiran na nangyari ang gayong panayam ng DZRH bago pa lumusob ang Russia.

Ngunit, heto na nga ang pinakadiwa ng kahinaan ng pamumuno ni Robredo. Bakit hindi niya sinuri ng mabuti ang problema ng bansang Ukraine at Russia? Bakit pabigla-bigla siyang nag-alok ng isang solusyon na hindi dumaan sa masugid na pag-aaral at pakikipag-konsultasyon sa mga dalubhasa sa pakikipag-ugnayan sa ibang bansa? Bakit naisipan niya ang kumprontasyon at hindi muna tinalakay ang diplomasya? Bakit inakap niya agad ang hanay na kinabibilangan at binuo ng Amerika? Bakit hindi niya sinuri na maaaring may mga bansang ginagatungan ang hidwaan ng bansang Ukraine at Russia upang ang mangyayaring digmaan ay magdudulot pagkakataong makabenta ng mga armas at iba pang pangangailangan sa pakikipag-digmaan? Bakit hindi siya nagsaliksik kung kanino o anong pangangalakal ang tunay na sanhi ng gayong digmaan? Bakit hindi niya naiintindihan na katangahan ang lumahok sa isang digmaan bilang tagahalili (proxy) lamang ng ibang bansa? Bakit hindi niya naisip na dahil mahina nga ang militar ng Ukraine kung ihahambing sa militar ng Russia, ang pagmamatigas o pagtapang-tapangan ng Ukraine ay ang dahilan kung bakit naging katiyakan ang labanang militar? Bakit hindi niya naintindihan na ang balanse ng kapangyarihang militar (balance of power) ang pumipigil sa tiyak na kapahamakan na dinudulot ng isang digmaan? Bakit hindi niya naisip na sa isang digmaan, tiyak marami ang mamamatay at mapipinsala?

Ang mga ito ang saltik ng pag-iisip ni Robredo, isang makitid, kakaiba at mapanganib na kaugalian dulot ng kakulangan sa karanasan, pagsasanay at likas na kakayahan, mga katangian na hinahanap sa isang Pangulo. Si Robredo ay padalos-dalos at may hindi angkop na ugaling minamaliit o di-sinseryoso ang mga problema.

Kaya mapanganib kung si Robredo ang magiging Pangulo natin pagkatapos ng termino ni Pangulong Duterte.

May saltik si Robredo na maaaring lumala pa kapag siya’y magkakaroon ng kapanyarihan ng isang pangulo. May saltik si Robredo na kung siya’y magiging Pangulo ay maaaring mangyari din sa Pilipinas ang nangyayari sa bansang Ukraine. May saltik si Robredo kung siya’y maging Pangulo ay ipapasubo niya ang bansang Pilipinas sa isang digmaan tulad ng nangyayari ngayon sa bansang Ukraine. May saltik si Robredo na kung siya’y maging Pangulo ay tuluyan niyang isusuko ang bansa sa pananakop ng isang mas makapangyarihang bansa bilang kabayaran o parusa sa isang bigong pakikipagdigmaan.

Mapanganib ang saltik ni Robredo. Huwag na huwag nating gawing Pangulo ng ating bansa ang isang may saltik na maaaring magdulot ng walang-saysay na kamatayan sa marami sa ating mga mamamayan.

Huwag iboto si Robredo.