Calendar
Larawan: Anne Curtis/IG
Anne Curtis nagsalita na sa Suntay issue



Nagsalita na si Anne Curtis kaugnay sa bastos at sekswal na pahayag na iniuugnay kay Congressman Bong Suntay.
Sa kanyang makahulugang pahayag ngayong Women’s Month, inilarawan ni Anne ang nangyari bilang isang “vulgar, sexualized analogy” kung saan ginamit umano ang kanyang pangalan nang walang pahintulot at respeto.
Aminado ang aktres na labis siyang nasaktan, nainsulto, at nagalit sa pangyayari.
Pero paglilinaw niya, hindi lang ito tungkol sa kanya.
Aniya, araw-araw itong nararanasan ng maraming kababaihan — sa opisina, sa mga pribadong usapan, at mas masahol pa, mula sa mga taong may kapangyarihan sa gobyerno.
Diretsahang binanatan ni Anne ang mambabatas: Hindi raw ito simpleng biro. Isa raw itong malinaw na halimbawa ng kulturang minamaliit ang kababaihan.
Diin pa niya, bilang lingkod-bayan, hindi dapat ginagawang katatawanan ang kababaihan dahil ang mga babae rin ay nagbabayad ng buwis at may dignidad na dapat igalang.
Hindi rin tinanggap ni Anne ang umano’y “non-apology” ng kongresista.
Gayunman, tinanggap niya ang paghingi ng paumanhin ng asawa nito at nakiusap na huwag idamay ang kanilang mga anak.
Para kay Anne, hindi dapat managot ang pamilya sa kasalanang hindi nila ginawa.
Sa huli, mariin ang paninindigan ng aktres: “Panahon na para itigil ang ganitong uri ng pambabastos sa kababaihan. Hindi lang ngayon. Hindi lang para sa kanya. Kundi para sa bawat babae. We deserve better.”
Source: https://www.facebook.com/share/p/18KMCRsPbd/?mibextid=wwXIfr

