Calendar
![Acidre1](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Acidre1.jpg)
Assassination threat video sapat para maalis si VP Sara sa pwesto — impeachment prosecutor
HINDI magsisinungaling ang kumalat na video ni Vice President Sara Duterte kung saan nagbanta umano siyang ipapapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay ma-assassinate, kahit pa itanggi niya ito.
Ito ang pahayag ng impeachment prosecutor na si Rep. Joel Chua, na nagsabing ang naturang video na kuha noong Nobyembre 23, 2024, ay malinaw na ebidensya ng banta ni Duterte.
“In fact, this piece of evidence is so strong and incontrovertible that it could get the Vice President convicted and removed from office by the Senate impeachment court,” ani Chua.
Ang “kill” threat na ito ang pangunahing basehan ng impeachment charges laban kay Duterte.
“Kahit naman po anong denial niya, maliwanag naman po sa video at ito ay napanood po ng lahat ng tao. Meron po kaming kasabihan sa law, res ipsa loquitur, the thing speaks for itself. So hindi naman po siguro kailangan pang ipaliwanag ‘yan,” saad ni Chua sa isang press conference.
“In fact, it has caused our country international embarrassment. Napahiya ang bansa natin, pinag-usapan tayo sa lahat ng mga broadsheet sa iba’t ibang mundo. Kaya tingin ko naman kahit na ano pong denial niya, ito pong video mismo ang magpapasabi at magpapatunay ng kanyang mga sinabi,” dagdag pa niya.
Sumang-ayon dito si Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.
“Inaasahan naman nating ide-deny niya eh, pero hindi ho nagde-deny ‘yung video na pinakita natin. Hindi po nagde-deny ‘yung, hindi po maide-deny na milyong-milyong Pilipino ang nakarinig, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo na ang isang halal na Pangalawang Pangulo ay pagbabantaan ang nakaupong Pangulo ng ating bansa, ang Unang Ginang at ang Speaker ng House of Representatives,” ani Acidre.
“There is evidence to show that she did it, she made the threats and that is the position of the House. Kaming pumirma sa impeachment, that she needs to be made accountable for that. Hindi ho ordinaryong usapin na ang isang nakaupung Bise Presidente ay magsasalita sa ganoong paraan at siya din, who stands to benefit in case magkaroon ng vacancy sa tanggapan ng pagkapangulo,” aniya pa.
Paliwanag ni Chua, iba ang pamantayan ng ebidensya sa impeachment trial kumpara sa criminal case. Hindi kinakailangang patunayan ang kasalanan beyond reasonable doubt.
“Kasi po dito sa impeachment po ang tinitignan po natin dito, sabi ni (former Supreme Court) Justice Isagani Cruz, ang impeachment daw is a method of national inquest into the conduct of public men,” paliwanag niya.
“So ang ibig sabihin dito, ang tinitignan dito ‘yung conduct ng mga nakaupo po na opisyal, lalong-lalo na ‘yung mga impeachable officers kung tinitignan po natin dahil sila po matataas po ‘yung posisyon nila at ang conduct na hinihingi po ay dapat mataas din,” saad pa ni Chua.
“Kaya po sa akin pong paniniwala, based po doon sa mga nailatag po namin sa committee hearing, based din po sa mga napanood ng mga tao doon po sa live video kung saan nag-threaten po siya sa ating Pangulo, sa First Lady at sa Speaker of the House, ako po ay naniniwala na malakas ang ebidensya para po siya po ay ma-convict dito po sa impeachment,” dagdag pa niya.
Pinaliwanag din ni Chua na nirerespeto ng House at ng impeachment panel nito ang posisyon ni Senate President Francis Escudero na walang impeachment trial na magaganap habang nasa recess ang Kongreso dahil sa nalalapit na halalan.
Magre-reconvene ang House at Senado sa Hunyo 2 pagkatapos ng congressional at local elections sa Mayo.
Gayunpaman, sinabi ni Chua na ayon sa Konstitusyon, dapat “proceed forthwith” o agad na magsimula ang trial (sa Senado) kapag nakapaghain ng impeachment complaint na suportado ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng House.
Ang impeachment complaint laban kay VP Duterte ay pirmado ng 215 House members, higit sa dalawang-katlo ng 306 na kasapi ng Kamara.
“Nirerespeto po namin ang opinyon ng ating kagalang-galang na Senate President, kaya lang po ang sa amin lamang po kasi hindi naman po sa minamadali po namin sila pero ito po kasi ang nakasaad sa ating Saligang Batas…nakasaad po doon ang ginamit po ng ating Constitution ang salitang ‘shall’ at ‘forthwith’,” paliwanag ni Chua.
“‘Yung ‘shall’ ibig sabihin po niyan ay mandatory, at ‘yung ‘forthwith’ ang ibig sabihin niyan immediately. Pero siyempre rerespetuhin po natin kung ano ang kanilang opinyon dito,” dagdag niya.