Calendar
Babae ‘tumalon’ mula 29th floor, bumagsak sa pool, dedo
DEDO ang 43-anyos na babae nang tumalon umano mula sa ika-29 na palapag ng tinutuluyang condominium Miyerkules ng hapon sa Makati City.
Pinagbalikan pa ng malay ang biktimang si alyas “Geraldine” nang maiahon sa pinagbagsakang swimming pool na nasa ika-pitong palapag ng condominium sa Brgy. San Antonio at nasambit ang katagang “Mama” bago muling nawalan ng ulirat habang pilit na kinakausap ng receptionist na si alyas “Jessa” hangga’t hinihintay ang pagdating ng ambulansiya.
Sa ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo, nasa swimming pool ang Australian national na si alyas “Oshae”, 25, dakong alas-5:26 ng hapon nang mapansin niya ang bumubulusok na katawan ng biktima mula sa itaas ng condominium at bumagsak sa pool kaya’t nagpatulong siya sa kaibigan para maiahon ang babae.
Nang dumating ang Makati Rescue Team, kaagad isinugod ang biktima sa Makati Medical Center subali’t idineklarang patay na dakong alas-8:04 na ng gabi.
Habang sinisiyasat naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Makati police ang inookupang unit ng biktima, nakita nila isang plastic sachet na naglalaman ng dalawang tableta ng hinihinalang Ecstsy at dalawang disposable lighter kaya’t hiniling nila na ang koordinasyon ng Makati Drug Enforcement Unit (DEU) upang mangasiwa sa nakuhang ilegal na droga.

