Calendar

Babaeng rider, binatilyong angkas pisak sa trak
PATAY ang babaeng rider at menor de edad na binatilyong angkas nito nang magulungan ng kaagapay na malaking trak Sabado ng hapon sa Makati City.
Dead on the spot ang mga biktimang sina alyas “Rhecy” na 40-anyos at estudyanteng si alyas “Jade” na 15-anyos, kapuwa residente ng Taytay, Rizal, matapos magulungan ng hulihang gulong ng trak na minamaneho ng isang alyas “Junar” na 45-anyos at residente ng Cauayan City, Isabela.
Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles, naganap ang malagim na aksidente dakong alas-4:30 ng hapon sa northbound lane ng Buendia–Osmeña flyover habang magkaagapay na binabagtas ng Howo Truck at motorsiklong sinasakyan ng mga biktima ang naturang flyover patungong Zobel Roxas Street mula Arnaiz Avenue.
Nasagi umano ng unahang bahagi ng trak ang motorsiklo na nasa gawing kanan na dahilan upang sumemplang ang mga biktima nang mawalan ng kontrol sa manibela ang babaeng rider at kapuwa mapailalim at magulungan ng trak.
Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property ang drayber ng trak sa Makati City Prosecutor’s Office.