Manila 3rd District Rep. Joel Chua

Babala sa mga opisyal ni VP Sara: Dumalo o aresto

Mar Rodriguez Nov 10, 2024
62 Views

NAGBIGAY na ng ultimatum ang House committee on good government and public accountability, na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, sa mga opisyal ng Office of the Vice President (OVP) na inisyuhan ng subpoena na dumalo sa nakatakdang pagdinig ng komite sa Nobyembre 11 at kung hindi, sila ay ipapaaresto.

Ang komite, na tinagurian din bilang House Blue Ribbon committee, ay nag-iimbestiga sa umano’y maling paggamit ng kabuuang P612.5 milyong halaga ng confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.

“The committee has summoned these officials multiple times, yet they continue to disregard our lawful requests to appear,” giit ni Chua.

Dagdag pa nito: “These absences reflect a blatant disregard for the authority of Congress and are unacceptable. If they fail to appear again, we are prepared to issue orders for their arrest.”

Noong Nobyembre 4, sa bisperas ng pagdinig ng komite, ay umalis sa bansa ang chief of staff ng OVP na si Undersecretary Zuleika Lopez.

Naglabas ang komite ng subpoena laban kay Lopez at anim pang opisyal ng OVP na mayroong alam kung papaano ginastos ni VP Duterte ang confidential funds, pero hindi sila dumadalo sa pagdinig ng Kamara.

Una na ring hiniling ng komite sa Department of Justice (DOJ) na ilagay si Lopez at ang iba pang opisyal ng OVP sa immigration lookout bulletin dahil sa posbileng pag-iwas nila na humarap sa imbestigasyon.

Bagama’t ang lookout bulletin ay hindi makakapigil sa kanilang pag-alis ng bansa, nagpapakita ito ng pangamba ng komite sa kanilang posibleng pagbiyahe sa ibang bansa upang tuluyang matakasan ang mga katanungan ng mga kongresista.

Bukod kay Lopez, kabilang din sa inisyuhan ng subpoena ang mga opisyal ng OVP na sina Lemuel Ortonio, assistant chief of staff at chair ng bids and awards committee; Rosalynne Sanchez, administrative and financial services director; Gina Acosta, special disbursing officer; Julieta Villadelrey, chief accountant; at ang mag-asawang sina Sunshine Charry Fajarda at Edward Fajarda, kapwa dating kawani ng DepEd na lumipat na sa OVP matapos magbitiw si Duterte sa nasabing departamento.

Ayon kay Chua, sa ngayon, tanging sina Sanchez at Villadelrey pa lamang ang nagkumpirma ng kanilang pagdalo sa pagdinig sa Nobyembre 11.

Kung magpapatuloy ang iba sa kanilang hindi pagsunod, ito ay magpapakita ng kanilang patuloy na pagliban sa kabila ng mga subpoena at paulit-ulit na paalala mula sa komite.

“The committee has been more than fair in giving these officials ample opportunities to cooperate,” giit ni Chua.

“If they fail to appear this time, they leave us no choice but to impose heavier penalties, including contempt and potential arrest and detention,” paalala pa nito.

Nais ng mga miyembro ng komite na maipaliwanag ng mga opisyal ng OVP ang kinukuwestyong paggamit ng P500 milyong confidential funds ng OVP at P125 milyong confidential fund ng DepEd, noong si VP Duterte pa ang namumuno rito.

Kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang paggastos ng OVP sa P125 milyong confidential fund nito na ginastos sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Sinisilip din ng COA ang iba pang confidential fund ng OVP at DepEd na ginamit noong 2023.