Barbers

Barbers pinayuhan kapwa kongresista para di masayang resources ng gobyerno

Mar Rodriguez May 9, 2024
111 Views

UPANG hindi masayang ang resources ng gobyerno. Iminumungkahi ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers sa mga kapwa nito mambabatas na dapat maging maingat sila at sangkapan ng “complete staff work (CSW) ang mga ikakasa nilang imbestigasyon sa Kongreso.

Ang panawagan ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, sa mga kapwa nito kongresista ay kasunod ng nakakadismayang resulta ng Senate investigation patungkol sa “PDEA Leaks” na pinamumunuan ng Komite ni Sen. Ronaldo “Bato” dela Rosa.

Binigyang diin ni Barbers na sa kasalukuyan ay mistulang nagkakaroon lamang ng “witch-hunting” sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order ni Senator Dela Rosa sapagkat wala naman niyang matibay na ebidensiyang pinanghahawakan ang dating PDEA agent na si Jonathan Morales.

Sinabi ni Barbers na ang nasabing Senate investigation ay bumabase lamang sa pahayag ng “lone witness” nito na si Morales. Kung saan, ang mga ibinigay nitong statement ay malaon ng ibinasura at pinabulaanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pilit na binubuhay at inuungkat.

Ayon kay Barbers, maituturing na isang napakalaking parusa para sa mga mamamayan ang pakikinig sa walang katuturan, “hearsay” at walang basehang presentasyon ni Morales sa Senate investigation dahil hindi nito kayang panindigan ang kaniyang mga akusasyon.

Idinagdag pa ni Barbers na bagama’t hindi siya experto sa larangan ng “rules of evidence”. Subalit iginigiit ng mababatas na magiging mahirap para sa sinomang indibiduwal ang mapatunayan o mapagtibay ang katotohanan ng isang ebidenisyang mariing itinanggi at ibinasura na ng PDEA.

“I am no expert in the rules on evidence. But it would be foolhardy for anybody to validate and authenticate any evidence the existence of which was already denied by PDEA which is the official custodian of such documents,” sabi ni Barbers.