Barbers

Barbers suportado imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa illegal drugs campaign ni Digong

Mar Rodriguez May 17, 2024
157 Views

SINUSUPORTAHAN ng chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers ang ikakasang imbestigasyon ng Kongreso patungkol sa illegal drugs campaign na inilunsad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Barbers na mahalagang magkaroon ng malalimang pagsisiyasat ang Kamara para malaman ang katotohanan kaugnay sa kontrobersiyal na “war on drugs” na inilunsad ng nagdaang Duterte administration na nagkaroon ng malawakang pagpatay laban sa mga hinihinalang drug pushers.

Ayon kay Barbers, layunin ng imbestigasyon na magkaroon ng pagbusisi kung maituturing bang matagumpay o palpak ang war on drugs ng Duterte administration matapos mapa-ulat na may ilang biktima ang napatay subalit hindi naman itinuturing na drug dependent at drug pushers.

“Ang sa atin lang eh’ nais natin malaman ang katotohanan. Dahil ang sabi nga sa Banal na Kasulatan na “the truth shall set us free”. Kaya importante na malaman ang katotohanan kung naging matagumpay ba ang war on drugs o hindi, ang hinahanap natin dito ay yung katotohanan,” wika ni Barbers.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Manila 6th Dist. Cong. Bienvenido “Benny” M. Abante, Jr. na magkakasa ng isang masusing imbestigasyon ang House Committee on Human Rights na pinamumunuan nito kaugnay sa madugong war on drugs.

Ipinaliwanag ni Abante na layunin ng imbestigasyon na na busisiin at silipin ang di-umano’y insidente ng extra-judicial killings sa ilalim ng war on drugs na kinasasangkutan ng ilang tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Gayunman, binigyang diin ni Abante na hindi kasama sa isasagawang pagsisiyasat na magsisimula na sa susunod na linggo sina dating Pangulong Duterte at dating PNP Chief at ngayo’y Senator Ronaldo “Bato” dela Rosa dahil kailangang isa-alang alang ang “parliamentary courtesy.