Barzaga

Barzaga: Pagkasira ng Sierra Madre siyasatin

Mar Rodriguez Sep 28, 2022
239 Views

IKINABABAHALA ng isang beteranong kongresista ang unti-unting pagkasira ng makasaysayang bundok ng Sierra Madre. Kung kaya’t isinulong nito sa Kamara de Representantes ang isang resolusyon para magkaroon ng malalim na pagsisiyasat kaugnay dito.

Inihain ni Cavite 4th Dist. Cong. Elpidio “Pidi” F. Barzaga, Jr., Chairman ng House Committee on Natural Resources, ang House Resolution No. 430 na naglalayong magkaroon ng imbestigasyon ang Mababang Kapulungan hinggil sa unti-unting pagkasira ng Sierra Madre.

Sinabi ni Barzaga na mahalagang magkaroon ng isang malalim na pagsisiyasat upang makapag-balangkas ng mga hakbang at makapag-sulong ng mga panukala para sa proteksiyon at pangangalaga ng nasabing kabundugan na tinatawag na “Mother Mountain Range”.

Binigyang diin ni Barzaga na kailangang imbestigahan ng Kongreso kung nagkakaroon ba ng illegal logging, pagmimina ng ginto, quarrying, deforestation at iba pang illegal na gawain sa Sierra Madre Mountain na nagiging dahilan ng unti-unting pagkasira nito.

“There is an urgent need to determine whether human activity such as illegal logging, gold mining, limestone, construction aggregates quarrying, deforestation and dam construction are being conducted at the Sierra Madre Mountains,” sabi ng mambabatas.

Sinabi pa ni Barzaga na kung sakaling nangyayari nga sa Sierra Madre Mountain ang mga nasabing gawin. Kailangan aniyang malaman ng Kongreso kung mayroong kaukulang permit para magsagawa ng mga ito mula sa Department Environment and Natural Resources (DENR).