Ibat-ibang sektor, grupo lumagda ng manifesto ng suporta para kay BBM

453 Views

MULING nadagdagan ang grupo ng mga nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, nang sama-samang pirmahan ng mga leader ang isang manifesto na naglalayong tiyakin ang kanyang tagumpay sa darating na May 9, 2022 national elections.

Kaagad namang nagpahayag ng pasasalamat si Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni Marcos, na siya ring naging panauhing pandangal sa isinagawang pagpupulong sa Pasig City nitong nakalipas na Linggo.

Ayon kay Rodriguez, ang ‘overwhelming’ na suporta na ibinibigay ng iba’t ibang grupo at samahan ay lalong nagpapatibay at nagpapalakas sa panawagang pagkakaisa ni Marcos na magiging daan sa pagbangon sa kahirapan ng bansa.

“Dala ko po ang mensahe ng pagkakaisa ni presidential aspirant Bongbong Marcos. Nais po niya na pagbuklurin ang lahat ng mga Pilipino. Sabi nga niya hindi maisasakatuparan ang kanyang mga plano para sa pag-unlad ng ating bansa kung kulang ang pinaka-importanteng sangkap – ang ating pagbubuklod at pagkakaisang-lahi bilang Pilipino,” ani Rodriguez.

“Samahan po ninyo ang Bongbong Marcos-Inday Sara Duterte UniTeam. Magkaisa tayo at tulungan natin sila para maisa-ayos natin ang transport groups, vendors at lahat ng sektor ng ating lipunan,” dagdag pa niya.

Bilang patunay ng kanilang suporta kay Marcos, isa-isang lumagda sa manifesto ang iba’t ibang samahan, kasabay ng pagpapahayag na isusulong nila ang kandidatura nito saan mang sulok ng bansa.

Ilan sa mga samahang dumalo sa pulong na ipinatawag ni Col. Erik Bautista, dating hepe ng Makati Public Safety Department (MAPSA), ay ang mga pinuno ng MATRIFED na asosasyon ng mga tricycle drivers; ang United Transport Federation of Makati (UTFM) na samahan ng mga jeepney drivers at operators; Pedicab Association; Knight Riders Nation (KRN); pati na rin ang iba’t iba pang market vendors association.

Dumalo rin sa meeting ang mga pinuno ng Alpha Phi Omega Makati Chapter; Tau Gamma Phi Makati Chapter; Alpha Kappa Rho Makati Chapter; Guardians Makati Chapter; ASAP Makati Chapter; at Lex Leonum Fraternitas, isang grupo ng volunteer-lawyers na sumusuporta kay Bongbong.

We, the members of UNITED TRANSPORT FEDERATION OF MAKATI (UTFM), hereby wholeheartedly and strongly support former Senator FERDINAND “BONGBONG” ROMUALDEZ MARCOS JR. to run for PRESIDENT of the Republic of the Philippines in the 2022 National Elections,” pahayag ni Nerio Duka, UTFM president, nang basahin ang manifesto.

Sa kanyang panig, sinabi ni Jimmielyn Almazan, KRN national president, sinusuportahan nila si Marcos dahil naniniwala sila sa plataporma’t programa nito para mapaunlad ang Pilipinas.

“Susuporta kami kay BBM para manalo siya sa May 9 dahil maganda ang plataporma niya at plano para sa bansa,” wika niya.

Sinabi naman ni Bautista na inorganisa niya ang pagpupulong ng iba’t ibang organisasyon dahil marami ang gustong mag-volunteer at magpahayag ng solidong suporta kay Marcos.

“Inactivate ko itong Volunteers for BBM para suportahan ang kandidatura niya. Ang mga grupong nandito ngayon ay naniniwala sa magandang agenda ni former Senator Bongbong Marcos para sa mga transport groups, vendors at iba pang sektor,” sabi pa niya.