Bataan, pribadong sektor pinirmahan Nagpirmahan ng kasunduan sina Gov. Joet Garcia (kaliwa) at Diamond Land Resources Inc., sa pangunguna ni Pedro de Leon Jr. noong Biyernes, para sa P17.6-billion Gateway project sa Bataan.

Bataan, pribadong sektor pinirmahan P17B Gateway project

Christian Supnad Sep 7, 2024
60 Views

THE BUNKER, Bataan — Pinirmahan noong Biyernes ng Bataan at pribadong sektor ang P17.6-billion Gateway project sa Orion, Bataan.

Ayon kay Gov. Joet Garcia, ceremonial signing ang naganap para sa negotiated terms ng Gateway project sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at Diamond Land Resources Inc., sa pangunguna ni Pedro de Leon Jr., ang presidente ng pribadong kompanya.

May lawak na 247 ektarya ang offshore at foreshore land reclamation project sa Orion.

Inaasahang makapagbibigay ito ng dagdag na kita sa lalawigan dahil sa pag-usbong ng mga bagong negosyo, industriya, makabagong pasilidad, bagong tahanan at mas maraming oportunidad sa trabaho, anang gobernador.

“Patuloy po ang ating mga pakikipag-ugnayan at pagsisikap na makapaglunsad ng mga proyektong makatutulong upang mas sumigla ang ekonomiya at maitaas ang antas ng pamumuhay sa ating lalawigan na susi upang makamit ang nagkakaisa nating layunin na mga matatag at makayang pamilyang Bataeño,” dagdag ng gobernador.