OFW Source: FB

Batas na nagpoprotekta sa mga OFW vs pagmamaltrato ipatupad

14 Views

DULOT ng pagkamatay ng OFW sa Kuwait kamakailan lamang, nanawagan si Senador Joel Villanueva, pangunahing may akda at sponsor ng Department of Migrant Workers Act, sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na gawin ang lahat ng hakbang upang maipatupad ang mga batas na naglalayong protektahan ang Overseas Filipino Workers (OFW) laban sa pang-aabuso at pagmamaltrato.

Ang panawagan ay kasunod ng posibilidad na muling magpatupad ng deployment ban sa Kuwait kaugnay ng umano’y kahina-hinalang pagkamatay ng dalawang Pilipinong manggagawa.

“Hindi po katanggap-tanggap ang paulit-ulit na balita ng pangmamaltrato, pang-aabuso o pagkamatay ng ating mga bagong bayani. Kailangan na pong tuldukan ito. The government must stop the abuse in its tracks by strengthening recruitment policy and ensuring that host countries comply with bilateral agreements on the welfare and rights of OFWs,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development ang kasunduan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018, na muling pinagtibay noong 2021. Nakasaad sa kasunduang ito ang mga karapatan ng OFWs sa nasabing bansa, kabilang ang karapatang panatilihin ang kanilang mga pasaporte at mobile phone, gayundin ang pagkakaroon ng pagkain, tirahan, at health insurance mula sa kanilang mga employer.

Ayon kay Villanueva, ang mahigpit na pagpapatupad ng bilateral labor agreement at pagsunod sa mga internasyonal na batas ay mahalaga upang mapigilan ang pang-aabuso sa mga migranteng manggagawa.

Kung kinakailangan, iminungkahi niya ang pagsusuri sa nasabing kasunduan upang matiyak na ito ay nagsisilbi sa pinakamabuting interes ng mga Pilipinong manggagawa.

“We cannot be reactive and rely on a ban-lift-ban cycle of OFW deployment,” aniya.

“Every OFW we allow to work in a foreign land must be assured of a safe workplace, decent living condition, timely payment of correct wage and benefits, and must be able to return to their families alive and with gainful income worthy of their sacrifices,” dagdag pa ni Villanueva.