Calendar
Bato binatikos ni Abante
BINATIKOS ng chairman ng House Committee on Human Rights na si Manila 6th Dist. Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante ang mistulang “iwas pusoy” na taktika at estilo ni Senator Ronald “Bato” de la Rosa upang maiwasan nitong humarap sa imbestigasyon ng House Quad Committee patungkol sa mga isyung ikinukulapol laban sa kaniya.
Sa kaniyang opening statement sa ika-labing-apat na pagsisiyasat ng House Quad Committee. Binatikos ni Abante si Dela Rosa dahil sa pananadya nitong iwasan ang imbitasyon ng Komite upang sagutin ang ilang isyu na ipinupukol laban sa kaniya kabilang na dito ang madugo at brutal na war-on-drugs campaign.
Sa halip na humarap sa pagsisiyasat ng Quad Comm ng Kamara, sinabi pa ni Abante na mas pinili pa ni Dela Rosa ang humarap sa media para lamang sadya nitong ilihis ang mga pangunahing isyu na kinasasangkutan nito kaugnay sa madugong kampanya ng administrasyong Duterte laban sa paglaganap ng illegal na droga.
Pagdidiin pa ng kongresista hindi hinarap ni Dela Rosa ang pagdinig ng Quad Committee para sagutin ang mga kontrobersiya na naka-kabit sa war-against-drugs na humantong sa Extra Judicial Killing (EJK) na inilunsad ng Duterte administration at sa halip ay nagtu-tungayaw umano ang nasabing Senador sa harap ng media.
“Ang ating Senador Bato dela Rosa nuong tinanong siya. Ayaw naman niyang humarap sa amin, pinapaharap namin siya para maging malinaw ang lahat ng bagay. Anong ginagawa niya?
Nagpunta siya sa media, kung ano-ano ang kaniyang pinagsasabi,” himutok ni Abante.
Binigyang diin pa ni Abante na taliwas sa mga intriga at alingas-ngas na ipinapakalat ng ilang grupo na tutol sa imbestigasyon ng House Quad Comm na ang pagdinig ng Komite ay hindi “politically motivated” sa halip ay palitawin ang katotohanan kaugnay sa mga kontrobersiyal na isyu at papanagutin ang mga salarin.
“Kung meron man ditong nagsasabi na we’re gathered here because of politics, gusto namin humarap Siya dito para sabihin sa amin directly. Dapat dito Siya magsalita sa Quad Comm at hindi sa media, dito dapat siya magpaliwanag,” sabi pa ni Abante.