Calendar

Bato ‘matter of time’ na lang bago humarap sa ICC
SINABI ng mga lider ng Kamara nitong Miyerkules na “its’ just a matter of time” bago humarap sa International Criminal Court (ICC) si dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng madugong war on drugs.
Tinanong si House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list kung posibleng lumabas na rin ang isang arrest order ng ICC laban kay Dela Rosa. Aniya, hindi na ito maiiwasan dahil sa kanyang papel sa kaso.
“Well, he’s part of the respondents of the case, and I think it’s just a matter of time,” sagot ni Acidre sa isang press conference.
Sumang-ayon si Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, na nagsabing ang mga kaganapan sa ICC ay tila nagpapahiwatig na susunod na ang mga warrant para sa iba pang sangkot sa kaso.
“Nasabi nga ni Cong Jude no, na ‘yung mga respondents ng case. Paano ko ba sasabihin ito? Ayon sa aking puting ahas, meron din akong puting ahas. Ayon sa aking puting ahas, hindi na spoiler ‘yan ‘yung warrant sa mga kasama sa kaso na ‘yan. Hindi na spoiler ‘yun, prediction na po ‘yun. Saka, nandyan na ‘yun ayon sa aking puting ahas,” sabi ni Ortega.
Samantala, sinabi ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list na dapat igalang ang proseso.
“Well for me, let justice take its course. Let’s wait and see,” ani Bongalon.
Si Dela Rosa, isa sa mga naging pangunahing tagapagpatupad ng war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay hindi na nakikita sa publiko mula nang maaresto si Duterte at ilipat sa The Hague, Netherlands.
Tinuligsa ni Ortega ang biglaang pagkawala ni Dela Rosa, lalo’t dati itong hayagang nagsasabing handa siyang harapin ang ICC.
“Siguro ako, more on okay lang ba siya kasi kung two days siyang literally missing o walang statements, of walang communication. Siguro mas importante kung masagot muna ‘yun kung nasaan siya,” sabi ni Ortega.
Dagdag pa niya, kung hindi agad nagbigay ng pahayag si Dela Rosa, maaaring may mas mahalaga itong pinagkakaabalahan—pero kinuwestiyon kung ano ang mas mahalaga kaysa harapin ang mga akusasyon laban sa kanya.
“Eh wala naman akong makitang bagay na mas importante na kailangan niyang mag-react o sumagot so I just want to know if he is okay,” saad ni Ortega.
Nanawagan naman si Acidre kay Dela Rosa na sundin ang rule of law, aniya bilang isang halal na opisyal, may mas mataas na inaasahan sa kanya pagdating sa pagsunod sa batas.
“Alam mo, mga halal na opisyal no, I use the standard for us to follow the law, is, the expectation is double than the usual,” ani Acidre.
Hinikayat niya si Dela Rosa na magpailalim sa proseso ng ICC, dahil ang pananagutan ay isang pangunahing tungkulin ng isang opisyal ng gobyerno.
“I think Senator Bato, I would like to appeal to his sense of nationalism, of course his sense of public duty to submit to the rule of law. Hindi option sa amin yan as elected officials. Sinumpaang tungkulin po namin ‘yan,” dagdag niya.
Ayon kay Acidre, dapat ituring ni Dela Rosa ang pagkakataong ito bilang isang paraan upang ipakita ang kanyang tunay na dedikasyon sa bayan at sa hustisya.
“Sana dito makita natin ang kanyang pagtupad sa kanyang sinumpaang tungkulin,” wika niya.