Calendar
BBM: Backyard farmers dapat tulungan
PANAHON na para pagtuunang pansin ang kapakanan ng lahat ng backyard raisers sa bansa.
Ayon kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sakaling palarin siyang manalo sa susunod na halalan, makatatanggap ng sapat na suporta ang ating mga kababayang backyard raisers mula sa national government.
Isa na nakikitang paraan dito ay kung paano mabigyan ng magandang discount ang mga backyard farmers sa pagbili sa mga commercial feeds.
Bagaman suportado ang ‘organic farming,’ batid ni Marcos na hindi maiwasang tumangkilik ang mga kababayan sa kanayunan ng mga komersiyalisadong pagkain ng baboy, manok at isda.
“Isa sa dahilan kung bakit maraming backyard raisers ang nalulugi at nadidismayang huwag nang ituloy ang ganitong uri ng kabuhayan ay dahil sa sobrang mahal ng presyo ng mga commercial feeds,” sabi niya.
“Mataas na nga ang risk sa pag-aalaga ng baboy o manok, masyadong mataas pa ang presyo ng feeds. Madalas doon na napupunta ang dapat sanang kita ng mga kababayan nating nag-aalaga ng hayop o ‘di kaya nagtatanim ng halaman at gulay sa kanilang mga bakuran,” dagdag ni Marcos.
Sakaling mabigyan ng maayos na diskuwento ang presyo ng mga feeds, tiyak na malaking kabawasan ito para sa gastusin ng mga nag-aalaga ng hayop.
Para hindi naman malugi ang mga kompanyang gumagawa ng commercial feeds, nais ni Marcos na matiyak na mababa ang lahat ng mga raw materials na ginagamit nila sa paggawa ng mga pagkain ng mga alagang hayop.
“Maayos na pag-uusap at maayos na sistema. Kailangan natin ang mga namumuhunan na katulad ng mga gumagawa ng commercial feeds pero kailangan din nating tulungan ang mga kababayan natin sa kanayunan. Sa palagay ko naman ay mapag-uusapan nang maayos iyan para maging patas at sapat ang presyo ng mga commercial feeds,” dagdag pa ni Marcos.
Isa rin sa nakikita niyang solusyon ay ang pagkakaroon ng parehas na farm gate price sa bawat bayan o lungsod.
Dapat pakilusin dito ang lahat ng local government units (LGUs) at mga barangay officials para magkaroon ng tamang tagabantay sa pagpapatupad ng ‘farm gate price.’
“Talagang mayroong iilang biyahero (trader) ang nagsasamantala sa farm gate price na kung kailan season ng anihan ay doon naman sila magtataas ng presyo. Kaya ang dapat na maging bantay dito ay ang ating LGUs at mga barangay officials,” dagdag pa niya.
“Lahat naman halos siguro ay may cellphone kung hindi man internet. Siguro maganda kada isang linggo ay ipabatid ng LGU sa lahat ng barangay officials kung ano ang tamang farm gate price sa mga araw o oras na iyon. Ipaalam ito sa mga kabarangay na naka-schedule mag-ani para hindi na sila mapagsamantalahan pa ng ilang biyahero,” sabi pa ni Marcos.
Bukod dito, dapat ay magkaroon din ng regular na konsultasyon at seminar sa lahat ng mga backyard raisers para mapakinggan ang iba pa nilang karaingan at mabigyan din ng mga makabago pang impormasyon sa pamamaraan ng tamang pag-aalaga at pagpaparami ng mga ititinda nilang ‘livestock products.”
“Napakarami na natin kilalang kababayan na nakapagpatapos ng pag-aaral ng kanilang mga anak dahil lang sa pag-aalaga at pagtitinda ng manok o baboy. Importante pong maalagaan sila at mapalakas lalo’t bukod sa bagyo ay problema pa ang ‘bird flu,’ ‘African swine fever’ at ‘foot and mouth disease,’ wika pa ni Marcos.