id

BBM: Identity theft tuldukan

385 Views

Proteksyon ng nat’l ID users tutukan

NANAWAGAN sa pamahalaan si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tiyaking mabibigyang proteksyon kontra ‘identity theft’ ang lahat ng kababayan nating nag-a-apply ngayon para sa bagong National ID system.

Nilinaw ni Marcos na suportado niya ang Philippine Identification System Act (PhilSys) na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noon pang Agosto 6, 2018.

Napakahalaga aniya nito dahil kung mapag-iisa ang lahat ng mga ID ng pamahalaan tulad ng SSS, Postal ID, GSIS, driver’s license, PhiHealth at iba pa ay mapabibilis ang transaksiyon sa gobyerno at sa ganoon ay maibibigay din sa mga mamamayan ang mas maayos na serbisyo publiko.

Sinabi ni Marcos na unang nakita ang kahalagahan ng National ID sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng ‘social amelioration program’ (SAP) ng pamahalaan nitong panahon ng pandemya.

Dahil halos mahigit isang taon pa lang na nag-uumpisa ang pagtanggap ng aplikasyon para sa National ID ay karamihan sa mga Pilipino ang wala pa nito hanggang sa ngayon.

“Pero kapag lahat tayo ay may National ID na, madali na para sa gobyerno ang pamamahagi ng ayuda at madali ring makikilala ang mga kababayan nating dapat tumanggap ng ayuda,” wika pa ni Marcos.

Gayunman, nagpahayag ng pagkabahala si Marcos sa natanggap na ulat na hindi pa tiyak na mapoprotektahan ang seguridad at pagkatao ng mga mamamayan na may hawak ng National ID card sa ngayon.

Mismong mga staff nito ang nakadiskubre na ang QR Code na nasa likod ng National ID card ay kayang basahin ng kahit sino o kaninong mobile phone.

Batid ni Marcos na ‘nanganganay’ pa ang paggawa ng naturang National ID card, ngunit dapat kasama na aniya sa ‘specs’ (specification) nito ang katiyakang hindi basta-basta makukuha ng kahit sino ang mga personal na impormasyon ng may tangan nito.

Sa halip na QR code, mas mabuti aniyang naka-RFID at mas dapat masiguro na mga ‘proper authority’ lamang ang may access dito.

“Marami na tayong bagong technology ngayon, baka puwedeng mas epektibo at mas secured pa,” sabi pa niya.

Nangangamba si Marcos na posibleng maglipana ang kaso ng identity theft na malaking panganib sa lahat dahil sa kakulangan ng seguridad sa National ID.

Ang identity theft o identity fraud ay isang uri ng krimen kung saan ay ninanakaw, ginagaya o kinokopya ng isang impostor ang ‘personally identifiable information’ ng isang indibiduwal tulad ng SSS ID o iba pang government IDs.

Ang mananakaw na impormasyon ay maaaring magamit sa pamemeke ng credit cards, pagbili at pangungutang ng ilang kagamitan gamit ang isang ninakaw na pangalan.

Posibleng masangkot din sa isang krimen ang isang indibiduwal kahit hindi niya ito ginawa na sadyang ginamit ng kriminal upang iligaw sa impormasyon ang mga awtoridad.