BBM Ipiniprisinta ni Tawi-Tawi Gov. Ysmael Sali kay presidential frontrunner Ferdinand “’Bongbong’ Marcos Jr. ang resolution na nagdedeclarang si BBM ang official presidential candidate ng Tawi-Tawi One Party (TOP). Kasama nila ang 10 mayor, 13 provincial government officials at ibang party leaders.

BBM-Sara panalo sa Tawi-tawi

234 Views

MISMONG sa national headquarters ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. idineklara ng Tawi-Tawi One Party (TOP) sa pangunguna ni Tawi-Tawi Governor Yshmael Sali ang kanilang buong suporta sa BBM-Sara UniTeam.

Personal na pinuntahan ni Gov. Sali kasama ang 10 alkalde, 13 provincial government officials at ng ilan pang lider ng TOP si Marcos para ipaabot ang kanilang buong suporta at pangako na poprotekhan ang kanilang boto sa lalawigan.

Ayon kay Gob. Sali, todo-buhos ang kanilang suporta para kay Marcos, tutulungan din aniya siya ng mga alkalde at ng mga board member ng lalawigan sa kampanya nito.

“Huwag ka mag-alala nandito ang mga alkalde, mga board members at mga leaders ng probinsya ng Tawi-Tawi para tulungan ka sa iyong kampanya,100% ang suporta namin sa iyo,” ayon kay Gob. Sali.

“Kung sakaling ‘di ka makapunta sa Tawi-Tawi, kami ang bahala, ikakampanya ka namin,” dagdag pa ng gobernador.

Pinasalamatan naman ni Marcos si Gob. Sali at ang mga kasama niyang opisyal sa pagpapahayag ng kanilang suporta, handa din aniya siyang makipagtulungan sa kanila para sa gagawing kampanya.

“Maraming salamat sa pagpunta ninyo dito, sa mga mayors, sa mga board members at mga leaders, malaking bagay ang inyong pagsuporta para sa aking kampanya,” sabi ni Marcos.

Nangako din siya na bibisitahin niya ang probinsya ng Tawi-Tawi at ibibigay ang lahat ng kailangang tulong para sa mas mabilis na pag-unlad ng lalawigan matapos silang magwagi sa darating na halalan sa Mayo 9.

“Sabi niyo sa akin na kahit ‘di na ako kailangan pumunta sa Tawi-Tawi, tingin ko kailangan kasi nandito kayo lahat, kailangan balikan ko ‘yung mga bumisita dito,” ayon sa pambato ng PFP.

“I’ll make sure na makapag-coordinate sa inyo, nakarating na kayo dito sa HQ, kilala niyo na ‘yung mga tao dito, kung kailangan niyo ng tulong just tell us,” dagdag pa niya.

Matapos magbigay ng talumpati ni Marcos, agad namang pinirmahan ni Gob. Sali at ng mga kasamahan nito ang Resolution 01-2022 na layuning gawing opisyal na pambato ng TOP si Marcos.

Napapaloob sa resolution na ang pagkakaisang minimithi ng BBM-Sara UniTeam para sa bansa ang paraan upang ang mga Pilipino ay makabangon muli at makamit ang inaasam na pag-unlad.