BBM

BBM wagi pa rin!

285 Views

Sa presidential survey ng 7-Eleven 

PANALO si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos maging sa informal poll na isinagawa sa mga customer ng convenience store na 7-Eleven base sa pinakahuling tally ng 7-Eleven SpeakCUP presidential survey.

Ayon sa disclaimer ng 7-Eleven, ginawa ang nasabing informal survey, “all done in the spirit of fun,” upang ‘bumoto’ ang kanilang mga customer sa kanilang napupusuang kandidato sa pagkapangulo sa pamamagitan ng pagbili ng 22 oz o 12 oz cup na may larawan at pangalan ng mga ito.

Ayon sa pinakahuling running tally na nai-post nitong Marso 21, 2022, sa website ng kumpanya, makikita na si UniTeam presidential bet Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang nakakuha ng 44% na boto, na sinundan ni Leni Robredo sa malayong pangalawa na may 27%.

Sumunod sa dalawa ang mga undecided voters sa ikatlong puwesto na may 15%, sinundan ni Isko Moreno na may 7%, habang nasa ikalimang puwesto sina Sen. Pacquiao at Sen. Lacson na may tig-4%.

Nakita rin sa resulta ng SpeakCUP survey na milya-milya ang lamang ni Marcos sa iba pang presidential contenders sa mga major island groups tulad ng Metro Manila, kung saan nakakuha siya ng 40% ng mga boto, 49% sa Northern Luzon, 41% sa South Luzon, 42% sa Visayas, at 53% sa Mindanao.

Ang mga customers ay may anim na disenyo ng cups na mapagpipilian at ito ay ang kina Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Marcos, Manny Pacquiao, Ping Lacson, Isko Domagoso, Leni Robredo, at isang cup na para sa mga “undecided” voters.

Ang presidential survey ngayong taon ay ang pangatlong beses nang isinagawa ng kumpanya, simula noong 2010 at nitong huling 2016 national elections.

Dagdag pa ng 7-Eleven na ang “unofficial” pre-election survey na ito ay tatakbo mula Marso 9 hanggang Abril 27, 2022.

Si Marcos at ang kanyang running-mate, na si vice-presidential bet Inday Sara Duterte, ay patuloy na nangingibabaw sa kani-kanilang mga karibal kahit na sa mga siyentipikong survey na ginawa ng mga polling firms tulad ng Laylo Research, Pulse Asia, SWS, at PUBLiCUS Asia.

Ayon pa sa mga eksperto sa pulitika, ang mensahe ng pagkakaisa ng UniTeam ay marubdob na tinatanggap ng mga taong minimithi ang isang pamumunong gagabay sa bansa sa pagbangon nito mula sa pandemyang Covid19.

Dagdag pa nila, na ang patuloy na mahusay na pagpapakita ng UniTeam sa pormal at impormal na mga survey ay nagpapahiwatig na ang mga Pilipinong botante ay nagpasya nang iboto ang dalawa bilang isang tandem sa darating na 2022 elections.