Calendar

Bebot dinedo ng RIT sa b-day party; tanod sugatan
NAGING madugo ang isang masayang birthday party matapos pagbabarilin ang isang 24-anyos na bebot ng riding in tandem, habang sugatan ang isang 27-anyos na tanod sa may Felina Extention, Barangay 429, Zone 44, Sampaloc, Manila, Huwebes ng gabi.
Dead on arrival ang nakilalang biktima na si “Marjorie,” may live-in partner at residente sa naturang lugar
Samantala, nadamay din ang isang tanod na kinakasama ng biktima na nakilalang si alyas “Joseph.” Mabilis na sumaklolo si Joseph nang tamaan din ng bala sa kanang hita nito.
Ayon sa ulat ni Det. Jason Ibasco, ang may hawak ng kaso, na isinumite kay Police Captain Dennis Turla, ang hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 10:45 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima.
Nabatid sa report ng pulisya na magkaangkas sa motorsiklo ang mga salarin, kung saan ang rider ay nakasuot ng gray na jacket, puting short pants at pulang helmet, habang ang back rider na bumaril sa biktima ay nakasuot ng itim na jacket, pantalon at itim na helmet.
Sa salaysay ng testigong barangay secretary, habang nasa kasagsagan ang inuman ay bigla na lamang sumulpot ang riding in tandem lulan ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima sa ulong bahagi nito at sa iba’t ibang parte ng katawan.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng A.H. Lacson, Sampaloc.
Ayon sa opisyal ng barangay, wala silang ideya kung ano ang naging motibo ng pamamaril, habang patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya.
Agad namang isinugod sa Ospital ng Sampaloc ang biktima kabilang ang live-in partner nito, subalit dakong 11:30 ng gabi ay idineklarang dead on arrival ng doktor ang nasabing babae.