Beki

Beki pinagbabaril sa harap ng kasamang tibo, kritikal

Edd Reyes Jan 4, 2026
250 Views

AGAW-BUHAY ang 20-anyos na beki nang pagbabarilin ng isa sa dalawang suspek sa harap ng kanilang tirahan Linggo ng madaling araw sa Caloocan City.

Kaagad na isinugod ng kanyang mga kaanak sa Caloocan City Medical Center si alyas “John” bago inilipat sa Tondo Medical Center kung saan patuloy siyang ino-obserbahan bunga ng matinding tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Anthony Aberin, nakatayo sa harap ng kanilang bahay sa 1346 DM Compound, Brgy. 73 ang biktima nang dumating ang mga suspek sakay ng itim na NMAX na motorsiklo dakong ala-1:35 ng madaling araw.

Bumunot ng hindi pa batid na kalibre ng pistola ang gunman na nakasuot ng maong na short, itim na t-shirt at tsinelas bago pinagbabaril ang biktima habang nakamasid ang kasama niyang tomboy na nakilala sa alyas na “Roda”.

Hindi pa tukoy ng mga imbestigador ang motibo sa pamamaril habang isusumite naman sa Northern Police District-Forensic Unit (NPD-FU) ang nakuhang limang basyo ng bala, isang slug, at isang metallic fragment sa pinangyarihan ng krimen upang isailalim sa ballistic examination.

Nagsasagawa na rin ng backtracking ang pulisya sa kuha ng mga CCTV sa lugar para sa posibleng pagkakilanlan sa gunman at agarang pagdakip sa mga suspek.