INC Umabot sa mahigit 1.5 milyong miyembro ng Iglesia Ni Cristo ang nagtipon-tipon sa Quirino Grandstand para sa National Rally for Peace. Kuha ni JON-JON C. REYES

Bersamin: Mapayapang pagtitipon ginagarantiya ng Konstitusyon

Chona Yu Jan 13, 2025
12 Views

Rally dinaluhan ng 1.5M miyembro ng INC – MPD 

SUPORTADO ng Palasyo ng Malakanyang ang National Rally for Peace na ikinasa ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Manila, at sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ginagarantiya ng Konstitusyon ang mapayapang pagtitipon.

Utos ng Malakanyang sa lahat ng ahensya ng gobyerno, huwag hadlangan ang karapatan ng INC.

Sinabi pa ni Bersamin na handa ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na ipagkaloob ang kailangang serbisyo para panatilihin ang mapayapa at maayos na national rally.

Kabilang na rin aniya rito ang emergency health services, gayundin ang pangangasiwa sa transportasyon at trapiko.

“Walang duda ang aming paniniwala na magiging mapayapa, matiwasay at makabuluhan ang mga pagtitipon sa araw na ito,” pahayag ni Bersamin.

“Higit sa lahat, umaasa kami na ang mga ipapahayag na mga opinyon ay makakatulong sa paglilinaw sa mga usaping kinakaharap ng ating bansa at maghahatid sa atin sa tunay na pagkakaisa na ating inaasam,” dagdag ni Bersamin.

Umaasa si Bersamin na ang rally ay magsisilbing platform para maihayag ang opinyon at matulungan ang bansa sa pagkamit sa pagkakaisa at progreso.

“We view today’s assemblies as part of the national conversation we should be having as a people to bring clarity and consensus on issues that face us all and affect our future,” pahayag ni Bersamin.

Sinuspendi ng Malakanyang ang trabaho sa gobyerno at pasok sa eskwela sa Manila at Pasay City para bigyang daan ang rally.

Ikinasa ng INC ang rally para suportahan ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tutulan ang impeachment o pagpapatanggal sa puwesto kay Vice President Sara Duterte.

MPD: 1.5M miyembro ng INC dumalo sa rally

Samantala, nasa mahigit 1.5 milyong miyembro ng INC ang nasa Luneta sa Quirino Grandstand para sa National Rally for Peace noong Lunes.

Sa datos ng Manila Police District (MPD), ang naturang bilang ay inilabas alas-4:17 ng hapon ng Lunes, kasunod ng pagsisimula ng program proper.

Ayon sa MPD, maaaring madagdagan pa ito dahil mayroon pang mga dumarating mula sa iba’t ibang lalawigan.

Noong umaga, nagkaroon ng entertainment sa Quirino Grandstand habang hinihintay ang iba pang mga kaanib.

Nagsalita ang matataas na opisyal ng INC at pinupunto ng ilan sa kanila ang pagkakaroon ng pagkakaisa at pagkakaunawaan.

Nilinaw din ng INC na hindi pagbabawalan ang iba pang mga grupo na nais sumama sa kanilang National Rally for Peace, ngunit kailangan lamang anilang sundin ang kanilang mga patakaran, tulad ng pag-iwas sa paggawa ng anumang gulo o kaya ay pagbatikos sa mga politiko.

Habang idanadaos ang peace rally ay nakaantabay ang mga kapulisan, sa pamumuno ni MPD Chief PBrig. Gen. Arnold Thomas Ibay, sa paligid ng Luneta at grandstand hanggang sa mga kalapit na lugar tulad ng Pasay City, Makati City, Quezon City at maging sa kahabaan ng Road 10 at Roxas Boulevard, na nagmumula naman sa may Camanava at Calabarzon.