Calendar
BI agents sinagip 2 muntik ma-recruit ng illegal recruiter
NAILIGTAS ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dalawang Pilipina na muntik mabiktima ng human trafficking at illegal recruitment sa abroad.
Ayon kay Mary Jane Hizon, pinuno ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), na-intercept ang dalawang biktima noong Enero 27.
Sinubukan umano ng dalawang Pinay na bumiyahe patungong Malaysia na kunwari’y mga ordinaryong turista pero napansin ng mga opisyal ang kanilang kahina-hinalang kilos.
Inamin ng dalawa na papunta talaga sila sa Malaysia matapos ma-recruit ng babaeng kilala lang bilang “Madame” upang magtrabaho bilang mga tagalinis sa isang hotel.
Pinayuhan umano sila ng kanilang recruiter na magpanggap munang turista habang inaasikaso ang kanilang work visa sa nasabing bansa.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, madalas abusuhin ng mga recruiter ang tinatawag na “tourist worker scheme” upang hikayatin ang mga Pilipino na sumang-ayon sa ganitong paraan ng pagtatrabaho.
“Sa scheme na ito, pinagtatrabaho ang mga manggagawa gamit ang tourist visa, ngunit hindi sila nabibigyan ng work visa. Dahil dito, nagiging mahina ang kanilang kalagayan at madaling pagsamantalahan ng kanilang mga employer,” paliwanag ni Viado.
Nagbabala rin si Viado sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa na huwag basta-basta magpapaloko sa ganitong modus.
Isinailalim na sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para sa pagsasampa ng kaso laban sa kanilang recruiter.