Guo Dating Bamban Mayor Alice Guo

BI, AMLC posibleng tanungin sa paggamit ng intel funds, pag-alis ni Alice Guo

85 Views

INAMIN ni Senador Sherwin Gatchalian na maaaring maapektuhan ang budget ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa kanilang pagkukulang.

Ipinahayag ng senador ang kanyang pagkadismaya sa BI at iba pang kaugnay na ahensya dahil sa hindi nila paggamit ng kanilang intelligence funds nang epektibo, dahilan kung bakit nakatakas si dating Bamban Mayor Alice Guo at ang kanyang mga kapatid noong Hulyo.

Bunga nito, nanawagan si Gatchalian sa BI, sa pangunguna ni Commissioner Norman Tansingco, na ipaliwanag ang pagkaantala sa pagkumpirma ng pag-alis ng mga Guo patungong Malaysia, na umabot ng limang araw, habang mabilis na nakuha at napatunayan ni Senador Risa Hontiveros ang impormasyon.

“Papaano na lang kung hindi nakuha ni Sen. Hontiveros ang impormasyon na ito. Sasabihin kaya nila ito sa atin?” tanong ni Gatchalian.

Binigyang diin ni Gatchalian ang pangangailangan ng mga ahensya ng tagapagpatupad ng batas na ipaliwanag kung paano nila ginagamit ang kanilang intelligence funds, na inilaan upang makabuo ng mga network ng mga impormante na kayang magbigay ng napapanahong impormasyon.

Kinuwestiyon niya ang kakulangan ng agarang aksyon ng BI at iba pang ahensya sa kabila ng mga umiiral na pondo.

Kasabay nito, pinuna rin ng senador ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa mabagal na pagtugon nito sa pagsasampa ng mga kasong money laundering laban kay Alice Guo, sa kabila ng mga ebidensyang naguugnay sa kanya sa mga ilegal na aktibidad ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO).

Inihayag ng senador mula Valenzuela na nagbigay na siya ng kaugnay na impormasyon sa AMLC noong Marso pa, subalit hindi pa rin naisampa ang mga kaso.

“Napakahalaga ng role ng AMLC sa bagay na ito. Sila lang ang may access sa mga bank accounts at sila rin ang makakapag-analisa kung paano ang takbo at galawan ng pera. AMLC ang tanging susi upang malaman natin kung paano nag-ooperate ang umano’y money laundering ng mga POGO na ito,” sabi ni Gatchalian.

Muling iginiit ni Gatchalian na dapat mas mahusay ang paggamit ng mga intelligence funds, lalo na sa pagpigil sa mga indibidwal tulad ni Alice Guo na makalabas ng bansa.

Binanggit din niya ang kahalagahan ng pagtugis sa iba pang mga pangunahing tauhan na sangkot sa mga ilegal na operasyon ng POGO, at hiniling na palakasin ng mga awtoridad ang kanilang pagsisikap na hulihin ang mga ito.

Bukod sa pagpuna sa AMLC, sinabi ni Gatchalian na nawawala na ang ilang mga Chinese nationals na sangkot sa operasyon, at hinimok niya ang mga awtoridad na bigyang prayoridad ang kanilang paghahanap.

Ipinunto rin niya na dapat isama si Sheila Guo sa mga kaso dahil sa kanyang papel bilang naatasan na tagatanggap ng pera ng isang POGO hub.

Si Sheila Guo, na lumagda sa maraming dokumento bilang chief finance officer o corporate secretary ng mga negosyo ng pamilya Guo, ay tumestigo sa isang pagdinig sa Senado, ngunit nakita ni Gatchalian na maraming inconsistencies ang kanyang mga pahayag.

Inakusahan niya itong nagsisinungaling tungkol sa kanyang kinalaman at binalaan na maaari siyang madetine hanggang sa tuluyang makipagtulungan sa imbestigasyon.

Iminungkahi rin ni Gatchalian na si Sheila Guo ang maaaring maging susi sa pagungkat ng pinagmumulan ng pondo ng pamilya Guo, lalo na’t siya ang humahawak ng mga pananalapi ng pamilya.

Gayunpaman, nagdududa siya na ibubunyag ni Sheila Guo ang lahat, lalo na’t ang kanyang abogado ay siya ring abogado ni Alice Guo.

Pinagaaralan ng Senado ang karagdagang legal na aksyon, kabilang ang posibleng pag-isyu ng hold departure order at karagdagang kaso laban kay Alice Guo.