Calendar

BI chief sinabing nakakatakot ang backdoor exit sa human trafficking victims
AMINADO si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na nakakabahala ang balita na lumabas ng bansa sa pamamagitan ng backdoor exit ang 54 na Pilipinong biktima ng human trafficking na na-repatriate mula Myanmar.
Ayon sa opisyal, ang mas mahigpit na regulasyon makatutulong upang matiyak na nasusunod ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpapatibay ng seguridad ng mga hangganan ng bansa.
“Sa tingin ko, ito pa lang ang simula ng isang mas malalim na problema. Matagal na naming binabalaan ang publiko tungkol dito at panahon na para ito bigyang-pansin at resolbahin upang mapigilan ang mas maraming kababayan natin na mabiktima ng ganitong modus,” ayon sa opisyal.
Samantala, pinuri ng BI ang pag-aresto ng Philippine National Police (PNP) kay alyas Fiona sa Zamboanga.
Si Fiona tinukoy bilang isa sa mga pangunahing nagpapatakbo ng iligal na pagpapadala ng mga trafficking victims gamit ang maliliit na bangka.
Naaresto rin ng National Bureau of Investigation (NBI) si alyas Jon Jon, isa sa mga na-repatriate mula sa scam hubs sa Myawaddy, Myanmar.
Sa paunang pahayag ni Jon Jon, sinabi niyang isa rin siyang biktima, ngunit kinilala siya ng kanyang mga kasamahan bilang isa sa mga recruiter ng kompanya.
Nauna nang inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang isang pag-aaral tungkol sa backdoor exits kaugnay ng trafficking in persons at smuggling ng mga migrante sa pamamagitan ng dagat.
Sa kanilang rekomendasyon, dapat palakasin ng mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies ang surveillance sa mga apektadong lugar.
Bukod dito, inihayag ni Viado ang kanyang mungkahi sa mga mambabatas na pag-aralan ang pagpapataw ng legal na parusa sa mga Pilipinong iligal na lumalabas ng bansa.
“Wala pang partikular na batas sa Pilipinas na nagpaparusa sa iligal na pag-alis ng bansa,” paliwanag ni Viado.
Patuloy ang panawagan ng BI at iba pang ahensya ng gobyerno sa publiko na maging mapanuri at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang gawain na may kaugnayan sa human trafficking.