Indonesian

BI ipina-deport 111 kelot, 28 na bebot na Indonesian

Jun I Legaspi Nov 24, 2026
82 Views

IPINA-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang 139 na Indonesian nationals, kabilang ang 111 kalalakihan at 28 kababaihan, noong Nobyembre 24 sa pamamagitan ng chartered flight mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ang mga dayuhang deportee, na dati nang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP), ay kinilalang mga pugante ng mga awtoridad sa Indonesia at kalauna’y itinuring na mga undesirable aliens alinsunod sa mga batas ng imigrasyon ng Pilipinas dahil sa banta nilang dulot sa pambansang seguridad at kapakanan ng publiko.

Noong Nobyembre 19, naglabas ang BI Board of Commissioners ng Summary Deportation Order na nag-uutos sa kanilang agarang pagpapatapon palabas ng bansa.

Isinakatuparan ang kautusan noong Nobyembre 24 sa pamamagitan ng magkakaugnay na operasyon ng BI, Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEG), at ng Embahada ng Indonesia.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pinaigting na kampanya ng Bureau laban sa mga hindi kanais-nais na dayuhan sa bansa. Aniya, patuloy na kikilos ang BI upang agarang maipa-deport ang mga dayuhang pugante bilang bahagi ng pagpapanatili ng pambansang seguridad at pangangalaga sa kapakanan ng publiko, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..

“Mananatiling mahigpit ang Bureau sa pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon at agad na kikilos laban sa mga dayuhang nagbabanta sa seguridad at kaayusan ng bansa,” ani Commissioner Viado.