POGO

BI pinag-iingat mga Pinoy sa POGO-like scams

Jun I Legaspi Feb 21, 2025
69 Views

NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa dumaraming POGO-like scam hubs na patuloy na nagre-recruit at nang-aabuso ng mga manggagawang Pilipino.

Ang mga scam hub na ito nag-ooperate katulad ng mga iligal na POGO na pinipilit ang kanilang mga biktima na magsagawa ng mga mapanlinlang na aktibidad tulad ng catphishing at investment scams.

Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na halos araw-araw may naii-intercept sa mga airports at karamihan sa mga biktimang na-recruit sa pamamagitan ng social media at inalok ng mga umano’y high-paying customer service jobs sa ibang bansa.

“In 2024 alone, we intercepted 118 Filipinos linked to online scamming schemes. This year, we are seeing a more brazen approach, with traffickers constantly shifting their tactics,” ani Viado.

Ipinakita ng kamakailang repatriation ng 12 Pilipinong na-traffic sa Myanmar ang talamak at mapanganib na operasyon ng mga scam hub na ito.

Ang mga biktima, na pinangakuan ng mga lehitimong trabaho ngunit napilitang maging online scammers sa ilalim ng hindi makataong kondisyon, nailigtas sa pamamagitan ng pagsisikap ng pamahalaan.

Ikinuwento nila ang naranasang pananakit, mahabang oras ng trabaho nang walang bayad at electric shocks bilang parusa.

Binigyang-diin ni Viado ang pangangailangang maging mapagbantay at nanawagan sa publiko na i-report ang mga hinihinalang iligal na recruitment activities sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Hotline 1343.