NHA General Manager Joeben A. Tai NHA General Manager Joeben A. Tai

Bigas pinamimigay ng NHA para sa 50th anniversary

Jun I Legaspi Jun 15, 2025
22 Views

PATULOY ang National Housing Authority (NHA) sa pamamahagi ng libreng bigas sa mga benepisyaryo ng pabahay bilang bahagi ng nalalapit na pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo sa susunod na buwan.

Inisyatiba ni General Manager Joeben A. Tai, ginanap kamakailan lang ang pamamahagi sa Northville 1, Bignay, Valenzuela City.

Humigit-kumulang 1,200 pamilyang benepisyaryo ang tumanggap ng limang kilong bigas na pinangasiwaan ng NHA NCR-North Sector Office katuwang ang MANAVA District Office.

Tinanggap ng mga residente ang tulong at tinawag na malaking ginhawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay.

“Malaking ginhawa po ang bigas na ito para sa aming pamilya. Sa hirap ng panahon ngayon, kahit maliit na bagay, malaking tulong na po sa aming mga mahihirap,” sabi ng isa sa mga benepisyaryo.

“Ang NHA ay hindi lang para magpatayo ng mga bahay. Narito rin kami para tumulong sa pag-unlad ng bawat pamilyang Pilipino. Sa selebrasyon ng aming ika-50 anibersaryo, sinisiguro naming mararamdaman ninyo ang pagkalinga ng NHA,” ayon kay GM Tai.

Ang programa sa pamamahagi ng bigas ay bahagi ng serye ng mga inisyatibang nakatuon sa komunidad na ipinatutupad ng NHA mula Abril hanggang Hulyo 2025. Ang bawat isa ay idinisenyo upang magbigay-ginhawa sa mga benepisyaryo at bigyang-diin ang epekto ng mga programa sa pabahay ng ahensya sa buhay ng tao.

Pinagtitibay ng NHA ang pangako nitong iangat ang buhay ng mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng inclusive at community-centered services na naaayon sa bisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ng isang “Bagong Pilipinas.”