BBM1 Makikitang inaalam ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kalagayan ng mga biktima ng bagyong Kristine sa Camarines Sur. MPC pool

Biktima ng bagyong Kristine inayudahan ni PBBM

Chona Yu Oct 26, 2024
152 Views

PERSONAL na binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga biktima ng bagyong Kristine na pansamantalang naninirahan sa mga evacuation centers sa Bula, Camarines Sur.

Bitbit ni Pangulong Marcos ang pinansyal na ayuda na galing sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Pinuntahan ko lang [po kayo] para makita ko na maayos naman ang pag-alaga sa inyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Bukod sa pinansyal na ayuda, nagpdala rin si Pangulong Msrcos ng dagdag na food packs.

“Kaya’t mabigat itong nangyari sa inyo at napakalaki ng tubig na dumaan. Ang mahirap kasi ay ‘yung baha –- nanggaling kami sa Bula, hindi gumagalaw talaga ‘yung tubig eh. Hindi talaga gumagalaw ang tubig kaya hahanapan natin ng paraan ‘yan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Ngunit para sa ngayon ay asahan ninyo basta’t nandito ang pamahalaan tuloy-tuloy ang aming pagtulong sa inyo. Sabihan niyo lang. Nandito si Mayor, nandito si (DSWD) Secretary Rex (Gatchalian), nandito ‘yung mga ibang Cabinet secretary para marinig mula sa inyo kung ano ‘yung mga pangangailangan ninyo,” dagdag ng Pangulo.

Tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na aayudahan ng pamahalaan ang mga nasalanta ng bagyo hanggang makarekober ang mga ito.

P142M ayuda mula DOH

Samantala, aabot sa P142 milyong asssitance para sa mga biktima ng bagyong Kristine ang inilaan ng Department of Health (DOH).

Sa situation briefing sa Malakanyang, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa kay Pangulong Marcos Jr. na bahagi ng nasabing halaga ang P97 milyon na medical at public health emergency supplies.

Ayon kay Herbosa, bukod pa ito sa ginastos ng ahensiya na P36 milyon para sa water sanitation at para sa hygiene na ibinigay sa bawat pamilya sa evacuation centers.

“These are the blue jerry cans that we see in the evacuation centers. One can per family, and you just put one aqua tab and it’s potable also to replace our water filtration na hindi pa dumadating to provide drinking water for our people,” ayon kay Herbosa.

Sinabi pa ni Herbosa na naglaan din ang DOH ng P6.8 milyon para sa nutrition at P1.8 milyon para sa psychosocial support.

Nagdeklara na rin aniya ang DOH ng “code blue” alert sa Cagayan Valley, Bicol region at Ilocos Region matapos ang pananalasa ng bagyong Kristine.

Ang code blue alert ay pinakamataas na pagtugon ng DOH sa mga kalamidad na nangangailangan ng coordinated medical response efforts.