Arestado

Binatilyo binaril ng 4X, buhay; baril di pumutok

Edd Reyes Nov 17, 2025
466 Views

NAKALIGTAS sa tiyak na kamatayan ang 14-anyos na binatilyo nang hindi pumutok ang baril na itinutok sa kanya ng lasing na kelot sa Valenzuela City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling araw nang lumapit ang binatilyo sa 40-anyos na lasing na suspek at nagprisinta na kung nais pa nitong uminom ay puwede naman siyang utusan para bumili ng alak.

Sa halip na magpasalamat, nairita pa ang suspek sabay bunot ng baril sa baywang at kinalabit ng apat na ulit ang gatilyo habang nakatutok sa binatilyo, na sa kabutihang palad ay hindi pumutok ang baril.

Nagtatakbo sa takot ang biktima habang umuwi naman ng bahay ang suspek at sinubukang kalabitin muli ng isang beses ang gatilyo ng baril at doon ito pumutok.

Dakong ala-1:30 na ng hapon nang humingi ng tulong sa pulisya ang kaanak ng binatilyo hinggil sa tangkang pagpatay sa kanya, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa kalibre .38 baril na kargado pa ng isang bala.