Binay

Binay pinagtanggol si Tiangco

203 Views

NAGPAHAYAG ng matinding pagkadismaya si Sen. Nancy Binay sa intelligence report kung saan ay isinabit ang pangalan ni Navotas Mayor Toby Tiangco sa umanoy isa sa mga protektor ng smuggling na naipaloob sa Senate committee.

Ayon kay Binay, mismong si Tiangco ang aktibong nagbubulgas ng mga smuggling na nagaganap pati na ang ilang taktika na pagpapalusot sa Navotas City sa ilalim ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Napaka-imposible at no way na maging protector si Mayor Toby. I know him personally and I believe his name shouldn’t have been in the list in the first place. Sa totoo lang, ever since, sobrang active ni Mayor Toby laban dyan sa pagpuslit ng mga BFAR imported products. Sa mga nangyayaring milagro doon sa mga entry points sa Navotas, si Mayor mismo ang sumulat sa DA para i-report ang smuggling—pero dedma lang ang DA. Ang city government na mismo ang nag-file ng mga kaso sa DOJ laban sa smugglers dahil nga parang walang pakialam ang DA. So, ganito na ba ang intel natin—all of a sudden we turn the table against the whistleblower?” ani Binay.

Nakakalulungkot aniya na ang mga whistleblower na tulad ni Tiangco ang siyang ididiin pa imbes na hanapin kung sino talaga ang nasa likod na malawakan smuggling na nagaganap.

Ayon kay Binay ang pagsabit ng pangalan ni Tiangco sa report na ibinigay sa Senado ay walang kaakibat man lamang na ebidensya na derecho magdidiin sa Mayor ng Navotas at wala rin paliwanag kung anong mga basehan upang idawit nila ang pangalan nito.

Sa pagbukas ng 19th Congress ay magsusumite aniya siya ng Resolusyon upang halukayin ang lumalalang smuglling sa fisheries sector at ano ang dapat gawin para masugpo na aniya ang problemang ito na sumisira sa fishing industry.

“Sa pagbubukas ng 19th Congress, dapat mapag-usapang muli ang problema natin sa industriya ng pangingisda at pamamalakaya. Balak kong mag-file ng mga resolusyon kung paano natin matutulungan ang ating mga mangingisda, at paano solusyunan ang problema sa smuggling. Kailangan ng mas malalim at mas focused na diskusyon at talakayan kung ano’ng naging problema ng mga mangingisda; ano na ba ang nangyayari sa modernisasyon sa ilalim ng AFMA, at iba pa,” ani Binay.

Nanawagan din si Binay kay President-elect Ferdinang BongBong Marcos na busisiin ang Department of Agriculture at ang Bureau of Customs dahil sa umanoy lumalalang problema sa smuggling sa bansa.

“Pagdating sa usapin sa problema ng smuggling, kailangan ng convergence from all government agencies—local and national. This way, we can prevent smuggled food products and inputs get through our ports and borders. Pero ayusin muna natin ang binibigay nating impormasyon dahil nakasalalay doon ang laban kontra smuggling,” dagdag ng senadora.