Vic Reyes

BOC kumita ng P102.4M sa subasta 9 na luxury cars ng mga Discaya

Vic Reyes Mar 11, 2026
138 Views

PicPic1Pic2Pic3MAGANDANG araw sa lahat ng ating mga suki. Lalo na sa mga kababayan natin sa Japan.

Binabati natin sina Ma. Theresa Yasuki, Patricia Coronel, Yoshiko Katsumata, Winger dela Cruz, La Dy Pinky, Endo Yumi, Tata Yap Yamazaki, Hiroki Hayashi, Roana San Jose at Hiroshi Katsumata.

Binabati rin natin sina Joann de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman.Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

***

Maaring hindi napapanahon. Pero kung may dapat itaas ang suweldo sa gobyerno, ito‘y ang mga opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa iba’t-ibang ports of entry sa buong bansa.

Hindi biro ang kanilang mga trabaho, lalo na ang mga empleyadong naka toka na tingnan kung may mga lamang kontrabando ang mga dumarating na kargamento.

Dapat well-trained ang mga ito para alam nila kung may iligal na droga, na kagaya ng shabu, cocaine o ecstasy, ang laman ng mga shipment.

Araw-araw, maraming kargamento ang dumarating sa mga ports of entry, lalo na sa Manila International Container Port, Port of Manila, Port of Batangas, Ninoy Aquino International Airport, Port of Subic, Port of Clark,at Port of Cebu.

Hindi kagaya ng ibang lingkod-bayan, ang mga men and women in customs uniform ay kailangang laging“vigilant and alert” dahil highly-enterprising na ang mga ismagler.

Marami silang alam na paraan kung paano mapapalusot ang mga kontrabando.

Kaya dapat lang na highly-dedicated ang mga nagtatrabaho sa aduana dahil hindi malayo na subukan silang “demonyohin” ng mga ismagler.

Kung sabagay, tingin natin ay mahihirapang manuhol ang mga ismagler dahil alam ng mga empleyado na galit si Pangulong Bongbong Marcos at Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa graft and corruption.

Sa totoo lang, may bagong imahe na ang aduana, na dati’y tinatawag na “snake-infested waterfront.”

Ngayon ay “no-take policy” na ang istriktong ipinapatupad ng pamunuan ng BOC alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos.

Hindi madaling gawin, pero unti-unti nang nagagawa ni Commissioner Nepomuceno.

***

Noong nakaraang Martes, Marso 10, ay nagkaroon ng “symbolic transfer ceremony” ang Bureau of Customs (BOC) sa Bureau of Treasury (BTr).

Ito ang P102.4 milyong kinita ng BOC sa pagsubasta sa siyam na illegally imported luxury vehicles na pag-aari ng pamilya Discaya.

Ang siyam na ibinentang sasakyan ay kasama sa 13 luxury vehicles na kinumpiska ng BOC.

Dahil hindi naibenta noong mga nakaraang public auction, ang natitirang apat na sasakyan ay isusubasta ulit sa mga susunod na araw.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, “malaki ang maitutulong ng proceeds ng public auction para mapondohan ang mga programa ng gobyerno.”

Sinabi naman ni Atty. Jerekko Cadorna ng BTr na ang ponding kinita sa public auction “will directly support national priorities.”

“Every peso remitted to the National Treasury strengthens the government’s capacity to fund vital projects, deliver essential services, and maintain fiscal stability as we continue to grow the economy,” dagdag pa ni Cardona.

Ang pagsubasta sa mga abandonado at kumpiskadong shipment ay isang malaking source ng revenue ng BOC, na nasa ilalim ng Department of Finance.

Pero ang mga kumpiskadong ipinagbabawal na droga at iba pang produktong nakasasama sa kalusugan ng tao ay sinisira kaagad ng mga otoridad.

Iyan ang ginagawa nina Customs Commissioner Ariel Nepomuceno.

***

Kailangang matapos na ang sigalot sa Middle East dahil malaking perhuwisyo ito sa atin kahit na hindi tayo sangkot sa gulo.

Dahil sa gulo patuloy na tumataas ang presyo ng inaangkat na langis.

Tataas rin ang presyo ng mga bilihin dito sa bansa, lalo na ang essential commodities.

Kung magtatagal pa ang gulo sa pagitan ng US-Israel at Iran ay siguradong mas titindi pa ang kahirapan sa Pilipinas dahil heavily dependent tayo sa imported oil.

Ang problema, mapipilitan ring umuwi ang libu-libo nating overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan.

Maraming magugutom na kababayan natin dahil sigurado ding maraming maliliit na negosyo ang mapipilitang magsara.

Sana naman matapos na ang giyera sa Middle East at huwag ng lumala pa.

(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa #+63 9178624484)