Edd Reyes

Reklamo vs isang testigo

Edd Reyes Mar 11, 2026
143 Views

PAPAANO kaya natin titimbangin ang kahalagahan ng mga isinisiwalat ng mga taong nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) kumpara sa kanilang nagawang kasalanan?

Nitong Enero ng kasalukuyang taon, isinailalim sa WPP ng Department of Justice (DOJ) ang limang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umaming sangkot sa mga nangyaring anomalya sa flood control projects kaya kung pagtitibayin ng korte ang pagsasailalim nila bilang testigo ng pamahalaan, tiyak na ligtas na sila sa kaso.

Magiging daan kasi ang kanilang testimonya para makasuhan at masentensiyahan ang mga matataas na opisyal na sinasabing may pakana sa anomalya pero ang tanong, sapat ba ito para sila makaligtas sa kaso?

Ang isa pang nasa ilalim ng WPP na malaki naman ang naging papel para makasuhan ang isang high profile suspect.

Nabuhayan ng loob ang pamilya ng mga umano’y biktima kaya itinuring nilang “bayani” ang nasabing testigo.

Kaya lang, nitong nakaraang taon, isang babae ang nagsampa ng kasong panghahalay laban sa nasabing testigo.

Anng insidente ay naganap umano noong 2021 noong ang biktima ay 16-taong gulang pa lamang diumano.

Katuwiran ng biktima, hindi kaagad siya nakapaghain ng kaso dahil noong mga panahon na iyon ay maimpluwensiya umano ang nasabing testigo sa kanilang lugar. Pero pinagdudahan ng mga pamilya ng mga biktima ng high profile case ang paghahain ng kaso laban sa testigo.

Hindi naman natin tinatalakay ang merito ng kaso kundi ang paghingi lang ng babae ng tulong sa Citizens Crime Watch (CCW) na nagpatawag pa nga ng pulong-balitaan noong nakaraang buwan upang mabigyan daw ng pansin ng DOJ ang kanyang inihaing kaso.

Paniwala ng CCW, kahit nasa ilalim na ng WPP ng DOJ ang nasabing testigo dapat pa ring bigyan atensiyon ng kagawaran ang inihaing reklamo laban sa kanya.

Ang kamandag ni alyas “Z” ng Camp Crame

BILANG na raw ang maliligayang araw nina alyas “Jaymark”, “Ricky” at ”Cris” dahil tumbok na ni Police Regional Office (PRO)-3 Director P/BGen. Jess Mendez ang kanilang ilegal na raket sa naturang rehiyon.

Ang tatlo kasi ang nagbibigay umano ng proteksiyon kina alyas “Evelyn”, “Manny”, “Bong”, “Mane” na may mga puwesto ng ilegal na sugal sa mga peryahan sa Bustos, San Rafael, at Marilao sa Bulacan, pati na kina alyas “Luigi” at “Daisy” sa bayan ng Panique at Conception sa Tarlac.

May proteksiyon din umano sila sa mga peryahan sa Guimba, Sta Rosa, Cuyapo, at San Jose sa Nueva Ecija na ang mga operators ay sina alyas “Ana”, “Andy”, “Ariel”, “Baby”, at “Mariel” maging sa mga peryahan sa Mabalacat, San Fernando, at Bacolor sa Pampanga na pinatatakbo naman nina alyas “Louie”, “Niknok”, “Malou”, at “Elmer”.

Matibay daw ang tatlo dahil nakatimbre sila sa isang retiradong pulis na si alyas “Z” na mabigat daw ang papel na ginagampanan sa Camp Crame.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com