Guerrero

BOC: Magkaso wag magbintang

Paul M. Gutierrez Jun 30, 2022
285 Views

Kredibilidad ng ‘Senate Smugglers’ List’ kinuwestyon

KINONDENA ng Bureau of Customs (BOC) ang inilabas na ulat ng Senado kung saan idinawit ang pangalan ng limang matataas na opisyal ng ahensiya sa pangunguna ni Comm. Rey Leonardo Guerrero na umano’y sangkot sa pagpupuslit sa bansa ng mga gulay at karne o ‘agricultural smuggling.’

Sa inilabas na pahayag nitong Martes, Hunyo 28, 2022, mariing itinanggi ni Guerrero ang ginawang pagdamay ng Senado sa kanyang pangalan at apat pang opisyal ng ahensiya sa isyu ng agricultural smuggling, batay sa isang ‘validated list’ ng umano’y mga smugglers at kanilang mga protektor na natanggap ng Senado noong isang buwan at isinama sa Senate Committee Report 649.

Isinapubliko ni Senate President Vicente Sotto III ang nilalaman ng ulat nitong Hunyo 22, 2022.

“I vehemently deny the accusations against me on my alleged involvement in agricultural smuggling based on a supposed ‘validated’ list (of the Senate),” ani Guerrero.

Sa bukod na panayam ng media, hinamon din ng Customs Chief ang kanilang mga kritiko na sampahan na lamang sila ng kaso sa korte upang maidepensa ang kanilang mga sarili.

“Alam natin kung ano and due process, ‘di ba? Kung talagang may involvement kami, kasuhan kami para maipagtanggol namin sarili namin,” aniya pa.

Bukod kay Guerrero, idinawit din sa listahan sina: Deputy Commissioner for Intelligence (IG) Raniel Ramiro; Atty. Vener Baquiran, Deputy Commissioner for Revenue Collection and Monitoring (RCMG); Atty Yasser Abbas, Director, Import Assessment Service (IAS); at, Jeoffrey Tacio, Director, Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), ang ‘operational arm’ ng IG.

Kinuwestyon din ni Guerrero ang kredibilidad ng listahan na inilabas ng Senado, matapos itanggi ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na sa ahensiya nanggaling ang listahan na ikinakalat ngayon ni Sotto.

Sa bukod na panayam ng midya kay NICA director Edsel Batalla, sinabi nitong hindi NICA ang pinanggalingan ng listahan, taliwas sa mga pahayag ni Sotto. Magkaiba rin aniya ang listahan ng NICA at ang listahan na ibinulgar ni Sotto.

“The list did not come from NICA… we (NICA) do have our own list, but it is different from the one that was published (by) the committee,” ani Batalla, na kinatawan ng NICA sa mga naging pagdinig ng Senado.

Bukod sa NICA, pinansin ni Guerrero na tumanggi rin ang Sandatahang Lakas (AFP) at Philippine National Police (PNP) na sa kanila nanggaling ang listahan na ikinakalat ngayon ni Sotto.

Ayon naman sa isang source na malapit kay Guerrero, sadyang “nagulat” sila sa ulat ng Senado dahil sa unang pagdinig pa lang noong Disyembre 14, 2021, hinamon na ni Guerrero ang mga senador at mga kritiko na ibigay sa kanya ang umano’y pangalan ng mga tiwali sa BOC upang maimbestigahan at masibak sa puwesto kung kinakailangan, sa halip na batuhin ng akusasyon ang ahensiya ng walang inilalabas na ebidensiya.

“Hanggang sa natapos ang pagdinig ng Senado at lumabas ang report nito, wala namang ibinigay na kahit isang pangalan ang mga nag-aakusa kaya talagang nagulat kami,” dagdag pa ng source.

Sa magkabukod na pahayag, mariin ding kinondena nina Baquiran, Ramiro at Tacio ang ulat ng Senado, kasabay ng paglalahad ng mga naging resulta ng kampanya ng kani-kanilang tanggapan laban sa smuggling.

Ani Baquiran, dinaluhan niya ang lahat ng mga naging pagdinig sa Senado kung saan kahit minsan, ay walang ibinatong akusasyon sa kanya ang sino man.

“I categorically deny the allegations against me that I am involved in agricultural smuggling. These imputations are malicious and false. In all these hearings, no wrong was ever imputed against me,” anang opisyal.

Aniya pa, sa 111 kasong kriminal hinggil sa agri smuggling na isinampa ng BOC, 73 sa mga ito o 66 porsiyento ay naisampa sa ilalim ng kanyang pamamahala sa RCMG.

Ayon naman kay Ramiro, 93 insidente ng agri smuggling na may halagang higit P419 milyon ang binigo ng BOC noong 2019; higit P224 milyon noong 2020; at higit P1.227 bilyon noong 2021, sa pagsisimula ng pagdinig ng Senado.

Sa kasalukuyan, aniya pa, umabot na sa higit P286 milyon ang halaga ng mga nakumpiska nilang agri products kung saan noon lang isang linggo, aabot sa higit P124 milyon ang nakumpiska nilang mga produkto mula sa bansang China.

Mariin din ang pagtanggi ni Tacio sa pagkadawit ng kanyang pangalan, kung saan ipinunto rin nito ang walang humpay nilang operasyon sa mga daungan ng bansa at sa mga warehouses na hinihinalang imbakan ng mga puslit na produkto.