Bongabon magkakaroon ng onion research center

Cory Martinez Apr 5, 2025
15 Views

MAGTATATAG ang Department of Agriculture (DA) ng onion research and extension center upang palakasin ang industriya ng sibuyas sa Bongabon, Nueva Ecija, ang tinaguriang “onion granary of the Philippines.”

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., dapat tulungan ang mga magsasaka sa Bongabon na matuto ng bagong teknolohiya upang mapalakas ang ani katulad ng ginagawa ng mga magsasaka sa China.

Nangako rin siya na dodoblehin ang pondo para sa pagbili ng pheromone lures, at maglalaan ng hanggang P5 million upang tulungan ang mga magsasaka na malabanan ang armyworms o harabas.

Ayon din kay Tiu Laurel, sisimulan na rin ang paghahanap ng mas magandang binhi ng sibuyas upang matulungang madagdagan ang ani ng mga magsasaka.

“Malinaw ang ating layunin: Maging supisyente ang Pilipinas sa sibuyas at maalis ang pangangailangang mag-angkat at madagdagan ang kita ng mga magsasaka,” ani Tiu Laurel.

Nangako din ang kalihim na susuportahan ang pagpapalakas sa teknikal na kakayahan ng mga kooperatiba ng magsasaka at hinimok si Bongabon Mayor Ricardo Padilla na makilahok sa mga programa ng DA.

Bagama’t kilalang pangunahing pinagmumulan ng bigas ang Nueva Ecija, ito rin ang pangunahing producer ng sibuyas, partikular ang bayan ng Bongabon.

Batay sa 2024 data ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang 12,726.11 ektarya ng sakahan sa Central Luzon tinaniman ng sibuyas na umaani ng 158,088.41 metriko tonelada na katumbas ng 59.80 percent ng pambansang output.

Naitala ang Bongabon sa nakapag-ani ng one fourth ng produksyon sa buong rehiyon o halos 15 percent ng kabuuang total output ng bansa nitong nakalipas na taon.

Sinabi naman ni Regional Field Office III Director Eduardo Lapuz na ang onion research center sa Bongabon itatayo sa Bongabon Agricultural Trading Center compound.

Magiging kauna-unahan sa bansa ang research center at makakatulong na mapaunlad ang mga paraan upang malabanan ang mga peste at sakit sa sibuyas at mapahusay ang kalidad ng binhi at mapalakas ang ani.

Nakaabot sa 264,323.89 metriko tonelada ang pambansang ani, na tumaas ng 4.4 percent mula noong 2023.

Gayunman, kulang pa rin ito sa target na 270,000 metriko tolenada ngayong 2025.

Noong 2022, tumaas ang produksiyon ng sibuyas ng 241,033.09 metriko tonelada.

Ang presyo ng sibuyas umabot ng hanggang P700 kada kilo noong 2022. Batay sa data mula sa Bureau of Plant Industry (BPI), tinatayang nasa 17,000 metriko tonelada ng pulang sibuyas ang buwanang konsumo ng Pilipinas at 4,000 metriko tonelada naman para sa puting sibuyas.