Bongalon House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon

Bongalon pinaiimbestigahan sa Kamara DepEd laptop bidding sa ilalim ni VP Sara

107 Views

PINAIIMBESTIGAHAN ng isa sa mga pinuno ng Young Guns ng Kamara de Representantes ang bidding para sa P8 bilyong halaga ng laptop at iba pang e-learning materials sa ilalim ng Computerization Program ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon, vice chairman ng House committee on appropriations, naglaho ang sana ay P1.6 bilyong matitipid ng gobyerno mula sa naunang bidding ng proyekto.

Sa ginanap na pagdinig ng Mababang Kapulungan noong Lunes sa panukalang P793.18 bilyong badyet ng DepEd, hiniling ni Bongalon na imbestigahan ang bidding ng pagbili ng mga laptop na dalawang beses isinalang sa bidding.

“And I would like to manifest, Madam Chair, this warrants an in-depth investigation probably in a proper committee after this budget hearing,” sabi ni Bongalon sa briefing ng House committee on appropriations na pinangasiwaan ni Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora.

Dahil walang tumutol, inaprubahan ng House committee on appropriations ang mosyon ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na maglabas ng subpoena duces tecum para sa DepEd.

“Imagine, nag-bidding na and it’s all favorable to the government tapos nag-rebidding naging 1 percent ‘yung variance. Hindi po ba ‘yun malaking kuwestiyon sa DepEd family? Sa madaling sabi dito, Madam Chair, tumaas ang presyo ng laptop,” ani Bongalon.

Sa pagdinig, binanggit ni Bongalon kay Education Secretary Juan Edgardo Angara ang usapin ng pagbili ng mga laptop at kagamitan para sa pampublikong paaralan noong 2022 at 2023, na problemang kanyang minana bilang kahalili ng Bise Presidente.

Ayon kay DepEd Undersecretary Gerard Chan, sa unang bidding ay dalawa lamang sa 16 na proyekto ang naipagkaloob, habang ang nalalabing 14 na disqualified bidders ay muling binigyan ng pagkakataon na mag-rebid.

Sinabi pa ni Bongalon na ayon sa natanggap na impormasyon ng kaniyang tanggapan, nasa 24 porsiyento ang pagitan ng pagkakaiba sa presyo ang naitala sa unang bidding.

“Kasi nagkaroon na po ng bidding. Ang hindi ko po maintindihan, bakit hindi natin tinuloy? Sayang po ng P1.6 billion na mase-save po ng ating gobyerno. Sabihin na lamang natin na ang laptop is worth P100,000, ilang laptops na po ang mabibili nun?” saad pa nito. “So I want answers, Madam Chair, from the Department of Education kung sino po ang mga personalidad during that time.”

Si Chan ang humalili sa mga dating undersecretary ng DepEd na sina Michael Poa at Gloria Mercado.

Sa kasalukuyan, si Poa ay kasama ni Duterte sa Office of the Vice President (OVP) bilang tagapagsalita, habang nag-avail ng maagang pagreretiro si Mercado.

Pinipilit ni Bongalon si Chan na magbigay ng paliwanag kung bakit kinailangan na ipagpatuloy ang bidding para sa pondo ng computerization program, at bakit bumaba nang malaki ang pagkakaiba ng presyo mula sa 24 porsiyento sa unang bidding hanggang sa 1 porsiyento sa rebidding.

“The Filipino people deserve to know, dahil pondo po ito ng taumbayan. Ang pondo pong ito ay para pambili ng laptop and other ECLs,” ayon pa kay Bongalon.