Barbers Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers

Boses ng taumbayan: Halos 80% ng miyembro ng Kamara pabor sa VP Sara impeachment

Mar Rodriguez Feb 7, 2025
14 Views

ANG paglagda ng 215 kongresista, na nadagdagan pa ng 25, sa impeachment complaint ni Vice President Sara Duterte ay isa umanong napakalakas at malinaw na mandato mula sa taumbayan.

“The impeachment process is not just a political procedure, it is the voice of the Filipino people speaking through their elected representatives,” ani Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers.

“Halos 80 porsyento ng Kamara ang pumirma sa impeachment, higit sa 3/4 ng buong Malaking Kapulungan ang nagsabing dapat itong ituloy. Higit sa kinakailangang 1/3 para agad itong maisumite sa Senado,” saad pa ni Barbers.

Sinabi ni Barbers na ito ay hindi lamang mayorya, kundi isang super majority—o higit pa sa requirement ng Konstitusyon na one-third ng mga miyembro ng Kamara upang maidirekta sa Senado ang reklamo at hindi na kailanganin pang dumaan sa House committee on justice.

“Hindi lang ito simpleng mayorya: ito ay isang matibay at napakalaking mandato mula sa mga halal na kinatawan ng taumbayan. Ito ang tinig ng mamamayang Pilipino,” giit nito.

Dahil ang mga miyembro ng Kamara ay inihalal upang ipahayag ang tinig ng kanilang mga constituents, iginiit ni Barbers na ang napakalaking suportang ito para sa impeachment ay isang malinaw na pagsasalamin ng saloobin ng sambayanang Pilipino.

“Ang bawat pirma sa impeachment ay hindi lang boto ng isang kongresista, kundi boses ng milyon-milyong Pilipino na aming kinakatawan. Ang mensahe ng taumbayan ay malinaw: kailangan ang prosesong ito,” wika ng mambabatas.

Paliwanag ni Barbers na ang malaking bilang ng mga lumagda ay katunayan na ito ay hindi pamumulitika, kundi lehitimong pagganap sa tungkulin ng mga mambabatas.

“Ang Kongreso ay hindi nagdedesisyon para sa sarili lamang. Kami ay inihalal upang maging tinig ng ating mga kababayan. At sa pamamagitan ng napakaraming pumirma sa impeachment, malinaw na ang taumbayan mismo ang may nais na ituloy ito,” dagdag pa niya.

Iginiit pa ni Barbers na sa oras na naisampa ang impeachment complaint, tungkulin ng Kongreso na ito ay aksyunan, alinsunod sa itinatadhana ng Konstitusyon.

“Wala na itong atrasan. Konstitusyonal na tungkulin ito ng Kongreso. Ang impeachment ay hindi maaaring balewalain o idaan sa pulitika. Kapag naisampa ito, may pananagutan kaming iproseso ito ng maayos,” paliwanag pa ng kongresista mula sa Mindanao.

Ipinunto pa ni Barbers na ito ay isa sa pinakamalakas na impeachment complaints sa kasaysayan, kung saan ang mga lumagda na ay mula sa iba’t ibang political party—patunay na hindi ito isyung pampartido, kundi isang pananagutang dapat gampanan.

“Kapag mahigit 3/4 ng mga mambabatas ang pumirma, malinaw na ito ay usaping pambansa, hindi pampulitika. Higit sa partido o alyansa, ito ay tungkol sa pagsunod sa batas at pananagutan,” diin pa ni Barbers.

Dahil ang impeachment complaint ay nakakalap ng lagpas pa sa kinakailangang boto, binigyang-diin ni Barbers na ang proseso ay nagkaroon na ng sariling buhay at hindi na maaaring pigilan.

“Hindi ito pwedeng pigilan ng iilan. Napakarami ng bumoto, napakarami ng sumang-ayon. Ang impeachment ay hindi na mapipigilan dahil ito ay mandato ng napakaraming halal na kinatawan,” wika niya.

Pinabulaanan naman ni Barbers na may namuwersa sa mga mambabatas sa Kamara para suportahan ang reklamo.

“Kapag 215 ang pumirma, at may 25 pang gustong sumali, hindi mo na puwedeng sabihing pinilit lang o minanipula. Ito ay tunay na panawagan ng Kongreso, na nagmula mismo sa ating mga kababayan,” paglilinaw pa ni Barbers.

Dahil naipasa na sa Senado ang impeachment, hinimok ni Barbers ang mga senador na kilalanin ang matibay na mandato mula sa Mababang Kapulungan at tiyaking maipagpapatuloy ang proseso nang patas at walang abala.

“Malinaw ang mandato ng Kongreso ngayon, Senado naman ang susunod sa proseso. Umaasa tayo na kikilalanin ng mga senador ang napakalakas na mensahe ng taumbayan,” ayon pa sa kongresista.

“Sila po ang judge sa prosesong ito. Susunod lamang ang ating mga public prosecutors sa timetable na ilalatag nila,” dagdag nito.

Tiniyak ni Barbers sa publiko na bagaman patuloy na tutuparin ng Kongreso ang mga tungkulin sa paggawa ng batas, sisiguraduhin din nilang mananatiling patas at hindi mapupulitika ang proseso ng impeachment.

“Ito ay hindi laro ng mga pulitiko. Ito ay pagsunod sa batas. At ang batas, kailanman, ay hindi dapat balewalain,” giit pa ni Barbers.