Calendar
Source: Louie Suligin Valencia FB
Boxing match sa fiesta nauwi sa gulo, magkabilang grupo nag-angkin ng panalo
HUMANTONG sa labo-labo ang ginanap na boxing match ng dalawang lalaki matapos ang mainitang pagtatalo ng magkabilang grupo Linggo ng hapon sa Valenzuela City.
Nangyari ang insidente dakong alas-3 ng hapon sa pagdiriwang ng kapistahan ng Señor San Roque sa Kawan 6B Sitio Kabatuhan, Brgy. Gen. T. De Leon matapos ang boxing match ng dalawang kalahok.
Nagsimula ang argumento nang pagtalunan ng magkabilang panig ang resulta ng boxing match na parehong nag-aangkin ng panalo hanggang sa humantong na sa pisikal na pananakit sa isa sa mga biktima na kalaunan ay nilahukan na rin ng iba pang kalalakihan.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naghain na ng pormal na reklamo ang mga biktima, una sa barangay, hanggang makarating na sa pulisya na silang naghanda ng kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng rekalong Physical Injuries laban sa mga suspek na nasa hustong gulang.
Sa pahayag ng NPD Public Information Office (PIO), kilala na ng pulisya ang mga suspek na sangkot sa riot bagama’t bigo ang pulisya na madakip ang mga ito.

