Calendar
BPSF may dala na ring tulong sa mga pasyente
BUKOD sa regular na financial assistance at bigas, ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) na ginanap sa Davao City ay mayroong na ring “zero billing” program para sa mga pasyente sa ospital ng gobyerno at P10,000 cash aid para sa pinakamahihirap na pamilya.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa pangunahing proponent ng BPSF, ang dalawang programa at inilungsad sa Davao City service caravan. Layunin ng mga programa na matulungan ang mga mahihirap na pasyente at ang pinakamahihirap na pamilya sa lungsod.
Binisita ni Speaker Romualdez ang mga pasyente, opisyal at mga staff sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City noong Huwebes,
Inanunsyo ni Speaker Romualdez na bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., nagbigay ito ng P50 milyon sa SPMC para sagutin ang lahat ng bill ng mga pasyente sa Setyembre 5 at 6, ang araw ng BPSF-Davao City.
Ang pondo ay galing sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP) ng Department of Health (DOH.
“Isinama ko ang mga kongresista ng 19th Congress para makita ng buong Davao City na mahal na mahal po natin ang Davaoeños. Dahil dito, kami po sa House ay dina-download natin ang P50 million na MAIP funds para sa SPMC upang lahat ng gastusin ng mga pasyente na na-confine dito as of September 5 and 6, 2024 ay wala nang babayaran. Zero billing for all patients,” ani Speaker Romualdez, na nagsabi na ang bawat pasyente ay makatatanggap din ng tig-10 kilo ng bigas.
“Food vouchers will be distributed for the SPMC to all patients and staff, ngayon po ang Pasko, maaga ang Pasko sa Davao,” ani Speaker Romualdez na nagsabi na makatatanggap ng tig-P10,000 ang lahat ng 6,000 empleyado ng SPMC mula sa AKAP ng Department of Social Welfare and Development.
“Ito po ang layunin ng ating mahal na presidente, President Ferdinand Marcos, Jr. at ito kasama natin ang aking kaibigan na si Sec. Leo Magno ng Mindanao Development Authority at siyempre naman lahat po ng nandidito ngayon ay masaya. At iyon po talaga ang utos ng ating president. Mahal po namin kayong lahat. Mabuhay ang Davao City, ang mga Davaoeño at mabuhay ang sambayanang Pilipinas. Daghang salamat,” sabi pa ng lider ng Kamara.
Nagdala ang BPSF ng P1.2 bilyong halaga ng cash assistance at serbisyo para sa 250,000 benepisyaryo.
Binisita rin ni Speaker Romualdez ang Pediatric Cancer Ward sa SPMC at binigyan ang mga pasyente ng laruan at Jollibee Kiddie meals.
Ayon kay Speaker Romualdez ang cash aid program para sa pinakamahihirap na pamilya sa Davao City ay tinawag na “Tulong Para sa Dabawenyo” at ginanap ito sa parking lot ng University of Southeastern Philippines.
Ang 250 benepisyaryo ay nakatanggap umano ng tig-P10,000 mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD at 20 kilo ng bigas.
Nangako si Speaker Romualdez na makikipag-ugnayan sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang matiyak na nakarehistro ang pinakamahihirap na pamilya.
Ayon kay Speaker Romualdez ang dalawang programa ay pagtupad sa pangako ni Pangulong Marcos noong kampanya para sa isang Bagong Pilipinas.
“Pinapalawak natin ang serbisyong hatid ng pamahalaan para sa programa ng ating Pangulo na Bagong Pilipinas, kung saan lahat ng mamamayan ay aabutin ng serbisyo publiko, walang maiiwan,” sabi pa ni Speaker Romualdez.