Calendar
Burger pls sabay holdap
UMORDER muna ng burger ang 42-anyos na delivery rider bago nagdeklara ng holdap sa burger stand at tinangay ang P5,400 na kita sa E. Rodriguez Sr. Boulevard, Brgy. Kristong Hari, Quezon City noong Agosto 7.
Kinilala ang suspek sa alyas na Antony.
Ayon sa tindera ng burger stand, umorder muna ng dalawang burger ang suspek at hindi nagbayad bago ideklara ang panghoholdap. Nagbanta rin na babarilin ang tindera kapag hindi ibinigay ang pera.
Matapos makuha ang P5,400, tumakas ang suspek patungo sa Aurora Boulevard.
Sa follow-up investigation ng Police Station 11, natunton ang suspek matapos matukoy na nagpa-cash in siya sa isang tindahan dakong alas-2:42 ng madaling-araw.
Nalaman ng mga pulis na nasa Bulacan ang suspek kaya nagtungo roon ang mga operatiba noong Agosto 11. Dakong alas-11:45 ng gabi nang maabutan si Anton sa birthday party ng isang kamag-anak.
Nabatid din ng mga awtoridad na mayroon ng record ng robbery ang suspek noong Oktubre 2015.
Ayon sa suspek, nagipit umano siya dahil sa online gambling at nangholdap upang makalikom ng pera na ipambabayad sa kanyang mga utang.
Nakakulong na ang suspek at nahaharap sa mga kasong robbery at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

