Gonzales1

‘Buti naman handa na sila’

Mar Rodriguez Mar 6, 2024
158 Views

DML Gonzales sa pahayag ng Senado na handa itong talakayin mga maritime legislation: 

WELCOME kay House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II ang pahayag ng Senado na handa na silang isalang sa bicameral conference committee ang panukala na nagtatakda ng archipelagic boundaries.

“Buti naman handa na sila. You know why? Kase Majority Leader ako, and I’m talking about during the 15th and the 16th Congresses, talagang ‘yan naman ang mga kailangan natin eh, ‘yan ang palaging sinasabi sa amin—kailangan adoption of the Maritime Zone Bill, kailangan ‘yung Archipelagic Sea Lane Bill,” sabi ni Gonzales, ang chairperson ng House Special Committee on WPS.

“Naipasa na namin lahat ‘yan noon. But for one reason or the other, doon sa Senate walang nangyayari,” pagpapatuloy ni Gonzales.

Ang tugon ni Gonzales ay reaksyon sa pahayag ni Sen. Francis Tolentino na handa na ang mga senador na isalang sa bicameral meeting ang panukala kung hindi tatanggapin ng Kamara ang bersyon ng Senado ng panukalang Philippine Maritime Zones Act.

Nilalayon ng panukalang ito na itakda ang hangganan ng ating kalupaan, internal waters at exclusive economic zones.

Sinabi ni Gonzales, handa rin aniya ang Kamara para talakayin ito sa bicam para mapagtibay na.

“Now if sinasabi ng brod namin, si Francis Tolentino, na handa na sila, well and good. That is a welcome news, because after almost or more than a decade, kailangan ipasa na natin talaga ‘yan,” dagdag pa ni Gonzales.

Mayo 2023 nang aprubahan ng Kamara ang panukala habang nitong Pebrero 26 lang ngayong taon ito napagtibay ng Senado.

Dahil may pagkakaiba ang dalawang panukala, idaraan ito sa bicam upang doon ay pag-isahin bago maratipika at ipadala sa tanggapan ng Pangulo para sa kanyang lagda.

Nakabatay ang panukala sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at 2016 ruling ng Arbitral Tribunal na nagbasura sa pang-angkin ng Beijing sa South China Sea.

Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea at kanilang hinaharangan ang mga barko ng Pilipinas at mga mangingisdang Pilipino kahit ang mga ito ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Maliban sa China at Pilipinas, mayroon ding territorial claims sa bahagi ng WPS ang Vietnam, Brunei at Taiwan.