CAAP

CAAP hinimok na ihanda mga airport vs dron attacks

11 Views

NAG-AALALA si Sen. Raffy Tulfo sa mga airports at pasilidad ng militar sa Pilipinas laban sa posibleng pag-atake ng mga kalaban gamit ang drone.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services noong Martes, tinanong ni Tulfo ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kung gaano kahanda laban sa banta ng drone attacks.

Inamin ni Capt. Ian Michael Del Castillo, pinuno ng CAAP-Aerial Works Certification and Inspection Division (AWOCID) Flight Operations Department, na wala pang anti-drone systems sa mga paliparan ng bansa dahil napakamahal na teknolohiyang kinakailangan.

Paliwanag ni Del Castillo, ang ilang subscription-based anti-drone systems maaaring umabot sa $1 milyon kada buwan.

Sinabi rin niyang kasalukuyang pinag-aaralan ng CAAP ang mas abot-kayang alternatibo habang patuloy na umuunlad ang teknolohiya at bumababa ang presyo ng mga kagamitan.

Dagdag pa niya, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng regulasyon ng CAAP ang pagpapalipad ng drone sa loob ng 10-kilometrong radius ng mga paliparan at sa taas na lampas 120 metro.

Iginiit ni Tulfo na dapat itong bigyan ng agarang aksyon dahil usapin ito na may kaugnayan sa pambansang seguridad.

Hinimok din niya ang CAAP na isaalang-alang ang mga makabagong solusyon.

Binigyang-diin ni Tulfo na kailangang pag-aralan ng CAAP ang posibilidad ng pagpapatupad ng ganitong mga hakbang upang mapalakas ang depensa ng bansa laban sa mga banta ng drone attacks.

Nauna na niyang inihain ang Senate Bill 1777, o Drone Regularization Act na naglalayong magtakda ng mga panuntunan sa pagmamay-ari at paggamit ng mga drone ng mga pribadong indibidwal.

Nilalayon ng panukalang batas na ito na mabawasan ang panganib ng hindi regulated na operasyon ng drone sa pamamagitan ng pagpapatupad ng pagpaparehistro, pagsasanay ng mga operator at pagsunod sa mga itinakdang safety protocols.