Calendar
Cash and Rice Distribution (CARD) Program inilungsad sa Iloilo
INILUNGSAD ng Kamara de Representantes katuwang ang administrasyong Marcos sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang cash at rice assistance sa mga taga-Iloilo.
Ang paglulungsad ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program sa Iloilo ay sumunod sa matagumpay na pagsasagawa nito sa Metro Manila, Bukidnon, Laguna, at Isabela kamakailan.
Ang CARD program ay isang inisyatiba sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez katuwang si DSWD Sec. Rex Gatchalian bilang tugon sa hamon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglalayong bigyan ng bigas at cash assistance ang mga mahihirap na Pilipino sa lahat ng distrito ng bansa.
“Ngayong araw po ay pormal nating sisimulan ang programang Cash Assistance and Rice Distribution o CARD program dito sa inyong probinsya,” sabi ni Speaker Romualdez sa kanyang keynote address sa paglulungsad ng programa sa Guimbal Gymnasium sa bayan ng Guimbal sa probinsya ng Iloilo.
“Nabuo ang programang CARD bilang tugon sa hamon ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inyong Kongreso na tumulong para bigyan ng ginhawa ang ating mamamayan sa harap ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang basic goods,” sabi ni Speaker Romualdez, lider ng Kamara na may mahigit 300 miyembro.
Ang CARD Program, gaya ng isinagawa sa Bukidnon ay sumabay sa paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Iloilo, na ginanap sa Guimbal National High School.
“Tinanggap ng inyong Kongreso ang hamon ng pagtulong at agad kaming nakipag-ugnayan sa DSWD at sa ating mga kaibigan mula sa industriya ng bigas para masigurado na mananatiling abot-kamay ang bigas sa marami nating kababayan,” sabi ni Romualdez.
“Dito po natin nakikita kung paano tayo puwedeng magtulungan para sama-samang harapin ang anumang hamon sa buhay. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at tiwala sa isa’t-sa, at sa tulong na rin ng pamahalaan, magagawa nating malampasan ang anumang pagsubok,” dagdag pa nito.
Aabot sa 3,000 ang benepisyaryo ng CARD program sa Iloilo. Sila ay makatatanggap ng tig-P2,000 cash at rice assistance kasama ang 25 kilo ng bigas at P1,000 pambili ng iba pang pagkain.
Kasama sa mga natulungan ang mga senior citizen, persons with disabilities, solo parents at indigenous peoples na pinili ng DSWD. Mayroon ding booth na itinayo sa lugar kung saan makabibili ng murang bigas.
Nauna ng inilungsad ang CARD program sa Metro Manila, kung saan binigyan ng tulong ang may tig-10,000 residente ng 33 legislative district o kabuuang 330,000 at mga taga- Biñan City at Sta. Rosa sa Laguna. Inilungsad ang programa sa Bukidnon at Isabela noong Nobyembre.
“Sa pagkakaisa at tiwala sa bawat isa, mas marami pa po tayong magagawa tungo sa sama-sama nating pag-unlad. Kasimanwa, dumating na sa Iloilo ang bagong Pilipinas,” sabi ni Speaker Romualdez.
Gaya ng BPSF, ipinaliwanag ni Speaker Romualdez na ang CARD program ay dadalhin sa lahat ng 250 congressional district ng bansa at tig-10,000 benepisyaryo kada distrito ang tutulungan o kabuuang 2.5 milyong mahihirap at bulnerableng Pilipino.