Casino

Casiño: Pilipinas mas matiwasay kung wala ang Sonshine Media Network Internationa

126 Views

PARA kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Chairperson Teddy Casiño mas matiwasay ang Pilipinas kung wala ang Sonshine Media Network International (SMNI), na umano’y nagpapakalat ng mga maling impormasyon at sangkot sa red-tagging.

“Wala akong simpatya para dyan sa SMNI,” ani Casiño sa panayam ng news podcast na Facts First ng broadcast journalist na si Christian Esguerra.

“Mas magiging matiwasay at maganda ang takbo ng Pilipinas kung wala ‘yung ganyang klaseng mga media entity,” dagdag pa ni Casiño.

Kamakailan ay naghain si Casiño ng P2.2 milyong kaso laban sa mga host ng SMNI na sina Lorraine Badoy at Jeffrey “Ka Eric” Celiz na nag-red-tag sa kanya.

Sa 36-pahinang reklamo na inihain sa Makati court, humingi si Casiño ng P1.1 milyong moral damages, P500,000 exemplary damages, P500,000 nominal damages at P100,000 bayad para sa kanyang abugado.

Hiniling din ni Casiño sa korte na utusan sina Badoy at Celiz na itigil ang paninira at red tagging sa kanya at iginiit na ito ay nakakasira sa kanyang reputasyon at lumalabag sa kanyang karapatan.

Iginiit ni Casiño na nabigo ang SMNI na gumawa ng hakbang upang malaman kung totoo ang sinasabi ng kanilang mga host at kung nakasusunod ang mga ito sa pinahihintulutan ng batas.

Sinabi ni Casiño na ang mga paratang laban sa kanya ay naglalagay sa panganib sa kanyang buhay, kalayaan, at seguridad niya at ng kanyang pamilya. Tinukoy rin ni Casiño ang report ni UN Special Rapporteur on Extra-judicial killing na si Philip Alston na nag-uugnay sa red-tagging at extrajudicial killing.

Ayon kay Casiño ang aksyon ni Badoy at Celiz ay salungat sa moral, mabuting kaugalian, at pampublikong polisiya.

Matatandaan na nakulong sina Badoy at Celiz sa Batasang Pambansa matapos ma-cite in contempt ng House Committee on Legislative Franchises na nag-iimbestiga sa kanilang mga umano’y paglabag.

Nadismaya ang mga mambabatas ng tumanggi si Celiz na sabihin kung sino ang source ng kanyang sinabi na P1.8 bilyon ang ginastos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na malayo sa katotohanan dahil 4.3 milyon lamang ang ginastos ng Office of the Speaker mula Enero hanggang Oktobre 2023.

Humingi ng paumanhin si Celiz at inamin na hindi kumpirmado ang kanyang inereng impormasyon.

Si Badoy naman ay nakulong matapos na kontrahin ng SMNI ang sinabi nito na mayroong advertisement ang kanilang show na Laban Kasama ang Bayan.

Ayon kay Badoy mayroon silang mga advertisement subalit ayon sa SMNI ay wala.